top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Bibili ng second-hand na gamit, hanapan ng permit ang nagbebenta para sure na hindi nakaw

  • Ryan B. Sison
  • Feb 13, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kahit may batas, marami pa rin ang walang pakialam at patuloy na nagbebenta ng mga gamit nang walang permit.

Hanggang ngayon, nagkalat pa rin ang mga nagbebenta ng second-hand gadgets, lalo na ang cellphone.

Dahil kadalasang ipinagbibili sa murang halaga, maraming naeengganyong bumili kahit hindi nila alam kung saan nanggaling ang naturang gadget. ‘Yung tipong kahit may kulang sa accessories tulad ng charger o may damage, basta kilala ang brand at mura, bibilhin agad dahil “jackpot” ito.

Ngunit, paano kung galing pala ito sa nakaw?

Kaugnay nito, muling nagbabala ang mga awtoridad na hindi lang ang nagbenta ng mga nakaw na gamit ang maaaring managot kundi pati na rin ang mga bumibili.

Anila, parusang prision mayor o 6 hanggang 12 taong pagkakakulong ang maaaring ipataw sa sinumang lalabag sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law.

Alinsunod sa batas, kailangan umanong matiyak na hindi nakaw ang ibinebenta ng pagbibilhan ng segundamanong kagamitan at dapat umanong humingi ng kopya ng permit ang mamimili.

Sa ilalim ng batas, kailangang may permit mula sa pulisya ang nagbebenta ng second-hand items at kung walang maipakikitang permit ang nagbebenta, maaaring senyales ito na galing ito sa nakaw.

Kaya para sa mga mamimili, para makasiguradong hindi nakaw ang bibilhing gamit, hanapan ng permit mula sa pulisya ang nagbebenta kung saan nakasaad na second-hand ang naturang gamit at kapag walang naipakitang permit, mabuting ‘wag na lang bumili.

Minsan, alam naman ng iba na galing sa nakaw, pero basta oks pa at kilala ang brand ay binibili pa rin dahil mura at sabay sa uso.

Ang nangyayari tuloy, lalong naeengganyo ‘yung iba na magnakaw at magbenta ng gamit na mula sa nakaw kahit ipinagbabawal.

Tandaan, anim hanggang labindalawang taon sa kulungan ang magiging kapalit ng pagtangkilik natin sa nakaw na produkto kaya maging maingat sana tayo sa ating gagawin at bibilhin.

Hindi natin sinasabing ‘wag bumili ng segundamanong gamit, pero sana, maging maalam tayo sa mga umiiral na batas at maging daan para itigil ng mga kababayan natin ang pagbili ng mga nakaw na gamit.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page