Bawas sa pag-a-undertime, hindi puwedeng ikaltas sa overtime pay
- Persida Acosta
- Feb 13, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Nagtatrabaho ako bilang secretary sa bangko. Dahil sa dami ng trabaho, nagtatrabaho ako nang higit sa walong oras. At dahil sa pagkapuyat, minsan ay late na akong nakakapasok sa sumunod na araw. Nagulat na lang ako nang makita ko sa aking payslip na binawasan ang aking overtime pay na katumbas sa oras ng aking undertime dahil mayroon daw akong undertime penalty. Tama ba ang ganitong pamamalakad? - Robbie
Dear Robbie, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Article 88 ng Labor Code kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Article 88. Undertime not offset by overtime. Undertime work on any particular day shall not be offset by overtime work on any other day. Permission given to the employee to go on leave on some other day of the week shall not exempt the employer from paying the additional compensation required in this Chapter. (n)” (Binigyang-diin)
Malinaw na isinasaad sa batas na hindi maaaring i-offset ang overtime ng undertime sa ibang araw at hindi maaaring ma-exempt ang employer sa pagbibigay ng overtime sa pamamagitan ng pagbibigay ng pahintulot sa empleyado na gumamit ng kanyang leave sa trabaho sa ibang araw ng linggo.
Sa inyong sitwasyon, hindi tama na bawasan ng inyong employer ang inyong overtime pay para sa mga oras na kayo ay may undertime. Hindi patas ang pagbabawas na ito sapagkat ang batayan ng inyong undertime ay ang inyong normal na hourly rate at ang batayan naman ng overtime ay ang overtime premium. Dahil hindi pareho ang nasabing mga bayarin para sa empleyado, ang pagkaltas ng undertime sa isang araw sa overtime sa ibang araw ay magreresulta sa hindi nararapat na pagkakait sa overtime premium ng empleyado.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments