12 taong kulong at multang P20k sa among hindi maghuhulog ng SSS contribution ng kasambahay
Dear SSS, Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang maaaring gawin sa amo ng kasambahay na hindi naghuhulog ng kontribusyon sa SSS? - Jessica
Sagot Hindi mo nabanggit ang buong pangalan ng household employer na iyong tinutukoy, Jessica, kaya hindi natin ma-verify ang kanyang contributions payment history upang maipagbigay-alam natin sa SSS Branch na sumasakop sa kanya ang mga bagay na ito.
Lumalabas na lumalabag ang amo ng kasambahay sa ilalim ng Republic Act 11199 (Social Security Act of 2018) sa kanyang legal na obligasyon kung saan nararapat na hulugan at bayaran niya kada buwan ang kanyang kasambahay ng kontribusyon sa SSS. Sa ganitong pagkakataon, pinapayuhan natin ang kasambahay na maghain ng pormal na reklamo laban sa kanyang amo sa alinmang sangay ng SSS. Magdala siya ng supporting documents tulad ng ID o payslips kung mayroon man bilang katibayan ng kanyang pagtatrabaho sa naturang employer.
Nakasaad sa bagong batas ng SSS, ang sinumang may paglabag na employer sa probisyong ito ay maaaring makulong mula anim hanggang 12 taon at pagbayarin ng kaukulang multa na nagkakahalaga mula P5,000 hanggang P20,000.
Sa hindi paghuhulog ng amo ng kasambahay, hindi makakakuha ng anumang benepisyo o prebilehiyo ang miyembro sa oras ng kanyang pangangailangan dahil sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay.
◘◘◘
Patuloy nating ipinaaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@ sss.gov.ph.





Comments