Taunang kompetisyon sa journalism ng NSPC, kanselado dahil sa nCoV
- Bong Revilla
- Feb 12, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Ngayong Pebrero 17 hanggang 21, ipinagdiriwang natin ang ika-100 anibersaryo ng National Schools Press Conference (NSPC). Ito ang pinakamataas na academic competition sa buong bansa na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd).
Suportado natin ang programang ito dahil sa tila kawalan na ng panuntunan kung sino ba ang dapat maghatid ng tamang balita at kung saan nanggaling ang mga ibinabalita.
Sa modernong panahon ngayon, magkaroon lang ng cellphone at natutong kumuha ng larawan ay nagpapanggap nang taga-media. ‘Ika nga nila, “Pinabili ka lang ng suka, pagbalik mo ay reporter ka na.”
Marami ang natuwa, nawalan ng kontrol at walang pakialam na nagbibigay ng komento at pahayag dahil napakadaling mag-post o mag-upload kaya nasamantala ito ng masasamang-loob na nagpapakalat ng fake news o mga pekeng balita.
Sa ilalim ng Republic Act 7079 o Campus Journalism Act 1991, ang bawat paaralan, maging pribado o pampubliko ay dapat maglathala ng school paper upang magkaroon ng pagkakataon ang mga interesadong mag-aaral na humusay sa pagsusulat.
Lalo pa at bumaba ang ating puwesto mula ika-14 ay naging ika-20 tayo sa Global English Proficiency Ranking na labis na nakababahala kaya malaking tulong ang isinasagawang ito ng NSPC.
Dahil sa kakulangan ng pondo ay hirap ang napakaraming paaralan na maglathala ng school paper, ngunit sinisikap ng mga guro na maitawid ang proyektong ito at magkaroon ng kopya ang bawat mag-aaral.
Napakahalaga ng campus journalism dahil nahuhubog nito ang talento ng kabataan sa larangan ng komunikasyon lalo pa at patuloy ang kompetisyon mula bayan, probinsiya hanggang sa umabot na sa national competition ang mga mag-aaral na mahusay magsulat.
Nakapaloob sa kompetisyon ang news, editorial, feature, science, sports, photo journalism, copyreading, cartooning, TV and radio broadcasting, collaborate at publishing.
Sa ngayon ay nangunguna sa ranking ang Cavite na 14 taon nang overall champion sa CALABARZON sa larangan ng campus journalism.
Dahil ipinagdiriwang ang ika-100 taon ng NSPC, nakatakda sanang isagawa ang taunang kompetisyon na nilalahukan ng buong bansa ngayong Pebrero 17 hanggang 21, ngunit, kinansela ito ni DepEd Sec. Leonor Briones.
Ito ay upang makaiwas ang kabataan sa posibilidad na mahawahan ng kinatatakutang sakit na 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) at wala pang anunsiyo kung kailan gaganapin.
Medyo problemado ang maraming mahuhusay na mag-aaral mula sa iba’t ibang lalawigan na lalahok sa NSPC competition sa Lungsod ng Tuguegarao dahil nakabili na sila ng ticket sa eroplano.
Pero kahit anong mangyari ay binabati natin ang NSPC dahil sa panahong mainit ang social media, mahalagang mahubog ang kabataan hindi lamang sa husay sa pamamahayag kundi maging sa tamang ethics.
Biktima rin ako ng fake news at alam ko kung gaano kasakit maibalita nang hindi totoo. Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments