top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Sanhi, sintomas at iba pang kaalaman tungkol sa coronavirus

Shane Ludovice
Feb 12, 2020
3 min read

Ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) ay ang bagong strain o uri ng coronavirus na nagmula sa Wuhan City, China.

Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay makararanas ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo at hirap sa paghinga. Bagama’t, ang mga sintomas nito ay pangkaraniwan lamang, ito ay mapanganib at nakamamatay sapagkat nagdudulot ito ng mga kumplikasyon tulad ng pulmonya at respiratory failure.

Naihahalintulad ang 2019 nCoV ARD sa mga viral na sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS) sapagkat parehong coronavirus ang mga sanhi nito pero magkakaiba ang strain.

Wala pang tiyak na paraan kung paano malulunasan ang kondisyong ito, ngunit, upang bumaba ang posibilidad na manganib ang buhay ng pasyenteng nahawa, kailangan niyang pansamantalang manatili sa ospital nang sa gayun ay mabigyan siya ng mga lunas upang maibsan ang kanyang mga sintomas. Maaari ring resetahan ang pasyente ng mga gamot para sa lagnat at ubo. Kailangan ding lagyan ang pasyente ng suwero upang hindi makaranas ng dehydration. At kung nahihirapang huminga ang pasyente, dapat siyang sumailalim sa oxygen therapy o respiratory support.

Pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na ang bagong virus ay nagmula sa paniki. At dahil ang kondisyong ito ay dulot ng bagong uri ng coronavirus, ito ay nakahahawa at maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:

• Pagkakalantad, pagkakahawak at pagkain sa mga infected na hayop. • Paglanghap ng particles mula sa laway ng infected na tao. • Pakikipag-usap, paghawak o naubuhan ng infected na tao. • Pagkakahawak sa mga bagay na may laway ng infected na tao.

Ang mga sintomas nito ay hindi nalalayo sa normal na ubo at trangkaso. Kung maaapektuhan ng kondisyong ito, maaaring makaranas ng mga sumusunod:

• Mataas na lagnat • Pagkakaroon ng sipon • Matinding ubo • Hirap sa paghinga • Pananakit ng ulo • Pananakit ng katawan • Matinding pagkapagod • Pagtatae • Pag-ubo na may kasamang dugo

Ayon sa mga doktor, ang mga sintomas ay maaaring lumabas dalawa hangggang 14 na araw mula sa araw ng pagkakalantad sa virus. Dahil nakahahawa ito, maaaring magkaroon ang sinuman ng kondisyong ito. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito

nang dahil sa mga sumusunod na salik:

• Paninirahan o paglalakbay sa mga lugar na may mga kumpirmadong kaso. • Pagkain ng mga exotic na hayop tulad ng paniki at ahas. • Pagkakaroon ng mahinang pangangatawan o resistensiya. • Pagkakaroon ng ibang kondisyong tulad ng diabetes, alta-presyon o iba pang sakit sa puso. • Pagtatrabaho sa mga ospital at iba pang pangkalusugang pasilidad. • Pagpunta sa mataong lugar nang walang sapat na proteksiyon. Kung hindi agad maaagapan, maaari itong magdulot ng mga sumusunod na kumplikasyon: • Pulmonya • Lung injury • Acute respiratory distress syndrome (ARDS) • Respiratory failure • Septic shock • Acute kidney injury • Virus-induced cardiac injury

Ang mga nabanggit na kumplikasyon ay nakamamatay. Kumpara sa ibang mga uri ng sakit, mas mabilis magkaroon ng mga kumplikasyon ang sakit na hatid ng uri ng coronavirus. Kaya naman, kung nakararamdam ng mga sintomas, agad na pumunta sa ospital.

Kumpara sa ibang mga uri ng virus, ito ay higit na nakahahawa kaya iminumungkahi ng mga doktor ang lubusang pag-iingat. Upang makaiwas, nangangailangang gawin ang mga sumusunod:

• Magsuot ng face mask lalo na kung pupunta sa matataong lugar. • Iwasan ang mga taong may sakit. • Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig. Kapag walang sabon at tubig, gumamit ng alcohol o hand sanitizer. • Iwasang hawakan ang mukha, ilong, bibig at mga mata. • Kumain ng prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C. Puwede ring uminom ng mga food supplement o mga bitamina na nabibili sa botika. • Iwasan ang paghawak sa mga strayed animals. Kung may alagang hayop, regular na paliguan ang mga ito at linisin ang kanilang kulungan. • Kung may ubo o nababahing, takpan nang maigi ang ilong at bibig gamit ang tisyu upang hindi makahawa sa iba. • Maglinis at mag-disinfect ng buong bahay, lalo na ang mga bagay na madalas na hinahawakan. • Kung hindi kailangang lumabas ng bahay ay huwag na munang lumabas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page