Pagkalat ng nCoV, hindi pa rin mapigilan, biktima parami nang parami
- Korina Sanchez
- Feb 12, 2020
- 1 min read
Ayon sa ulat, mahigit 1,000 katao na ang namamatay habang nasa 43,104 katao naman ang infected sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD).
Nalampasan na nang husto ng 2019 nCoV ang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) kung saan noong 2002 at 2003, halos 774 katao ang namatay sa naunang virus.
Habang tumatagal, lalong nadaragdagan ang mga namamatay pero ang masaklap, wala pa ring indikasyon na bumabagal na ang pagkalat nito.
Samantala, sa Pilipinas, dumating na ang naunang batch ng mga OFWs mula sa Wuhan City, China at dinala agad sila sa Athletes’ Village sa New Clark City, Capas, Tarlac para i-quarantine sa loob ng 14 days o dalawang linggo. Sana ay walang magkasakit sa kanila, hangad natin na maayos silang makabalik sa kanilang pamilya.
Samantala, kanselado na rin ang flights ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific sa Taiwan dahil sa 2019 nCoV, ito ay kasunod ng ibinabang utos ng gobyerno. Kaya naman, apektado ang libu-libong OFWs sa Taiwan na pansamantalang hindi makauuwi.
Ayon sa ulat, may 18 kaso ng nCoV sa Taiwan ngayon kaya mas humigpit ang seguridad at pag-iingat.
Sa totoo lang, nakakatakot ang pagtaas ng bilang ng mga apektado ng virus, pero may mga good news din kung saan kamakalawa ay inilabas na ng ospital ang unang pasyente ng nCoV matapos na dalawang beses itong magnegatibo sa isinagawang pagsusuri.
Bagama’t, maraming isinasagawang pag-aaral ang mga eksperto para tuluyang makontrol ang virus, wala pang katiyakan kung kailan ito mangyayari. Sa ngayon, maniwala na lamang tayo na matatapos din ang lahat.





Comments