Mga bagito sa Ronda Pilipinas, mapapalaban sa mga beterano

Nakatakdang pangunahan ang koponan ng Standard Insurance-Navy ng mga dating kampeong sina Ronald Oranza at Jan Paul Morales para sa tangka nilang muling madomina ang darating na LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race na sisikad sa Pebrero 23 sa Sorsogon at Marso 4 sa Vigan, Ilocos Sur.
Ang 2018 na si Oranza, at ang 2016 at 2017 titlist na si Morales kasama ang mga kakamping Navymen at consistent na top 10 finishers na sina El Joshua Cariño, George Oconer, Ronald Lomotos, John Mark Camingao at many-time King of the Mountain winner Junrey Navara ang mga napipisil na paborito sa ika-10 edisyon ng pinakamalaking karera ng bisikleta sa bansa.
Ang ikawalong miyembro ng koponan ay ang bagitong si Lance Allen Benito. “Sisikapin naming mapangatawanan kung anong inaasahan mula sa amin,” ani Navy coach Reinhard Gorantes. Aminado si Gorantes na magiging mahirap ang laban nila ngayong taon dahil sa pagbabalik ng continental team na 7-Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.
Pangungunahan ang 7 Eleven ng 2012 champion na si Mark John Lexer Galedo at mga beteranong sina Marcelo Felipe at Rustom Lim.
Nariyan din at nagbabalik ang unang kampeon noong 2011 at 2015 titlist na si Santy Barnachea na mamumuno sa koponan ng Scratch It at ang 2014 winner na si Reimon Lapaza na kakatawan naman sa Celeste Cycles-PH-Devel Project Pro Team. “Maraming malalakas na team ngayon na siguradong magiging matindi naming kalaban at isa na roon ang 7-Eleven,” ayon pa kay Gorantes.
Ang iba pang teams na kalahok sa LBC 10-stage race na suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation ay ang Go for Gold, Bicycology (Army), Bike Xtreme, Tarlac/Central Luzon, Ilocos Sur, South Luzon/Batangas at Nueva Ecija.





Comments