Mga alagang hayop, oks sa dyip at bus basta may sariling pamasahe, naka-diaper at hindi mabaho
- Ryan B. Sison
- Feb 12, 2020
- 2 min read

Nang unang maglabas ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na puwede nang isakay sa pampublikong sasakyan ang mga alagang hayop, maraming pet owners ang natuwa dahil sa wakas ay puwede na nilang isama sa biyahe ang kanilang mga alaga.
Ngunit, napalitan ng pagkadismaya ang saya dahil bagama’t, puwedeng isakay ang mga alaga sa PUV, sinasabi umano ng mga konduktor na sa compartment lamang maaaring ilagay ang mga ito at kailangang naka-cage.
Inalmahan ito ng mga pet owner at sinabing nakakalito ang panuntunan dahil karamihan sa mga pampublikong sasakyan ay walang animal compartment at malabong walang ibang pasahero sa jeep at bus.
Sa bagong memorandum circular ng LTFRB, puwede nang ipasok sa PUV ang alagang hayop basta katabi nito ang may-ari at hiwalay na babayaran ang upuan o puwesto, nakasuot ng diaper at walang amoy para mapanatili ang kalinisan sa sasakyan.
Para naman sa kaligtasan ng ibang pasahero, kailangang siguraduhin ng may-ari na kalmado at updated ang bakuna ng alaga.
Ikinatuwa ito ng mga pet owner kaya ngayong may malinaw nang panuntunan, may panawagan ang mga ito.
Anila, sana ay maiparating ang kautusang ito sa lahat ng mga PUV operator.
Hindi kasi alam ng ibang operators na nagpalabas ng memorandum circular ang LTFRB noong Abril kaya tinatanggihan nilang isakay ang mga hayop kahit pumapayag ang ilang owners na ilagay ito sa compartment.
Sa mga pet owner naman, siguraduhin ninyong masusunod n’yo ang panuntunan na itinakda ng LTFRB, ganundin sa mga operator ay siguraduhing susundin ito sa lahat ng pagkakataon at hindi kung kailan lang nila gusto.
Pahalagahan natin ang kaligtasan ng mga alagang hayop tulad ng pag-iingat sa mga pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments