Kaligtasan ng mga turista kontra nCoV, tinitiyak na
- Nancy Binay
- Feb 12, 2020
- 2 min read
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Tila sa isang kislap lang, halos nasa kalagitnaan na tayo ng Pebrero. At para sa tourism industry, hudyat ito ng paghahanda sa summer peak season. Responsibilidad ng pamahalaan na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga turista — lokal man o banyaga.
Dahil sa layuning ito, kahapon ay nagkaroon ng pagdinig ang Senate Committee on Tourism na pinamumunuan ng inyong lingkod.
Kasama sa pinag-usapan ang epekto ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) sa turismo ng bansa. Kaugnay ito ng Senate Resolution No. 316 na inihain natin na nag-uudyok sa Senado na imbestigahan ang naturang isyu nang matugunan sa pamamagitan ng paglikha ng mga polisiya na makatutulong sa pagresolba nito.
Mahalagang malaman natin kung handa ba ang ating mga tourism establishments na harapin ang nCoV.
Kung may pagkukulang, dapat lamang na mapunuan ito. Kung may best practices naman, palawigin natin. Mainam na ring magkaroon ng diskurso sa kung gaano kahanda ang tourism industry sa pag-handle hindi lang sa nCoV kundi pati na rin sa iba pang nakahahawang sakit.
Bukod sa nCoV, tinalakay din ng iba’t ibang stakeholders ang mga panukalang-batas na Tourist Protection and Assistance Act at ang Basic First Aid Training for Personnel of Tourism Enterprises Bill.
Kung hihikayatin natin ang ating mga kababayan at dayuhan na dalawin ang ating tourist destinations, mahalagang mabigyan natin ng kasiguruhan na matutulungan sila sa oras ng emergency. Naniniwala tayong makatutulong ang mga napag-usapan sa hearing tungo sa layuning ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments