Cuizon, naupo sa trono ng Thailand 2020 Nat’l C’ships

Nakagawa ng ingay ang mga Pinoy woodpushers sa iba’t-ibang sagupaan kamakailan sa Thailand kasama na ang 2020 National Chess Championships sa bansang nabanggit.
Sa National Championships G12-G14 na grupo, nangolekta si Richily Evans Cuizon (rating: 1270) ng apat na panalo at dalawang tabla upang pangatawanan ang kanyang pagiging topseed at makaakyat sa trono tangay ang kabuuang 5 puntos.
Dahil sa kanyang mataas na performance rating na 1288, inaasahang aakyat ng 7.6 FIDE rating points ang kanyang rekord.
Isang 1-2 na pagtatapos para sa Pilipinas ang naiposte nina AGM Mohamad Sacar (rating: 2080) at FM Deniel Causo (rating: 2313) sa Big Rook Chinese New Year FIDE Rapid 2020 sa Bangkok.
Kapwa may tig-7.5 puntos sina Sacar at Causo nang magsara ang bakbakang inorganisa ng Big Rook Chess Academy pero ang 4th ranked na si Sacar ang itinanghal na kampeon dahil sa mas mainam na tiebreak performance.
Samantala, namayagpag si FM Jony Habla sa 3rd Big Rook In-House Chess Championships matapos itong umangkla sa makinang na siyam na puntos mula sa 10 rounds ng sagupaan.
Sa kabilang dako, nanguna sina FM Alekhine Nouri at WIM Bernadette Galas sa kani-kanyang pangkat ng Philippine Sports Commission - National Chess Federation of the Philippines Selection Chess Championships sa Project 6, Quezon City.
Nakalamang ang binatilyong si Nouri kay IM Jan Emmanuel Garcia sa tiebreak matapos silang humugot ng tig-7 puntos sa 11 salang sa board.
Si Galas ay nakaagwat ng kalahating puntos sa pinakamalapit nitong karibal dahil sa rekord niya sa 9 na puntos.





Comments