‘Pagpapasara’ sa dos, nag-boomerang kay Calida, multi-million contract ng pamilya sa gobyerno, nalan
RESBAK SA ‘QUO WARRANTO’, PAGKALAT SA SOCIAL MEDIA NG MULTI-MILLION CONTRACT SA GOV’T. NG PAMILYA NI CALIDA—Kay Solicitor General (SolGen) Jose Calida nag-boomerang ang isinampa niyang “quo warranto” sa Supreme Court para tanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Sa inihain niyang “quo warranto” sa SC laban sa ABS-CBN, kumalat naman sa social media ang multi-million peso security contract na ipinasok ng kanyang pamilya sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, boom!
****
IMBES NA IBASURA, “QUO WARRANTO” NI CALIDA, PINATULAN NG SC—Binigyan ng SC ng 10 days ang ABS-CBN para magkomento sa hirit ni Calida na tanggalan sila ng prangkisa.
Ang lakas naman ni Calida sa SC kasi imbes na ibasura ang inihaing “quo warranto” laban sa ABS-CBN dahil sa “lack of jurisdiction” sapagkat nasa batas na ang Kongreso lang ang may kapangyarihang magkaloob at magtanggal ng prangkisa sa anumang network at hindi ang korte, eh, pinatulan pa nito ang “quo warranto” ng SolGen, buwisit!
****
VP LENI, BAKA PAG-INITAN DIN NI CALIDA—Sakaling magtagumpay si Calida na mapatanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN ay pangalawang tagumpay na niya ito kasi ang inihain din niyang “quo warranto” sa SC ang nagtanggal kay dating SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa puwesto. Kaya ngayon pa lang, dapat nang maghanda ang kampo ni VP Leni Robredo kasi baka mawili si Calida na pag-initan din nito ang bise-presidente para matanggal sa puwesto, period!
****
AKALA NI “BIKOY”, LUSOT NA SIYA SA KASONG SEDITION, HINDI PALA—Bukod kay ex-Sen. Antonio Trillanes IV at sa iba pang personalidad, kabilang din si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy sa sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong sedition.
Akala siguro ni “Bikoy”, porke bumaligtad na siya at idiniin ang oposisyon na ito ang nag-utos sa kanya na siraan at isangkot sa ilegal na droga ang pamilya Duterte ay lusot na siya sa kaso, ‘yun pala ay hindi dahil kasama rin siya sa kinasuhan ng DOJ, saklap!





Comments