top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Patay, parami lang nang parami.. Misteryo ng nCoV, hindi pa rin masagot

  • Korina Sanchez
  • Feb 11, 2020
  • 2 min read

Namatay na si Dr. Li Wenliang, ang doktor mula Wuhan, China na unang nagpahayag tungkol sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD) noong Disyembre, 2019. Matatandaang, inakusahan at pinarusahan siya at iba pang mga doktor dahil sa pagkakalat diumano ng tsismis o maling impormasyon tungkol sa nasabing sakit.

Isa siya sa walong doktor na ipinatawag ng lokal na awtoridad ng Wuhan City, China dahil nagdulot ng pangamba sa publiko ang inilabas nilang impormasyon tungkol sa mala-SARS na virus na kalaunan ay napatunayan na tunay ang mga ito. Gayunman, nakalulungkot na maging ang doktor ay nahawa rin sa nCoV at ito ang kanyang ikinamatay.

Sa kabila ng naunang hindi pagkakaintindihan, tinaguriang “hero doctor” si Dr. Li Wenliang, partikular sa social media. Dumarami ang boses na sumisigaw ng pananagutan sa mga opisyal dahil sa krisis dahil Disyembre, 2019 pa lamang diumano ay nadiskubre na ang ‘misteryosong sakit’ pero hindi ito agad naipaalam sa publiko.

Lumalabas na tila itinago sa social media ang pagkamatay ng doktor pero natunugan agad ng World Health Organization (WHO). Kaya naman, hindi natin mapigilang magtanong, may hindi pa ba tayo nalalaman tungkol sa nCoV? Halos 1,000 na ang namamatay sa deadly virus habang libu-libo pa rin ang positibo at kasalukuyang inoobserbahan.

Samantala, sa Pilipinas, binalaan ni DILG Usec. Epimaco Densing III ang LGU na haharang sa mga OFW na iuuwi mula Hubei, China at iku-quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Naunang umalma ang LGU ng Capas, Tarlac sa plano ng gobyerno na gamitin ito bilang quarantine area ng mga kababayan nating OFW na mula China kung saan 14 days o dalawang linggo silang pansamantalang mananatili upang masiguradong ligtas ang kanilang kalusugan.

Bagama’t, naiintindihan natin ang pag-aalala ng ating mga lokal na residente pero sana ay maintindihan din natin ang sitwasyon. Bilang mamamayan ng Pilipinas, karapatan nilang saklolohan ng ating gobyerno. Sa totoo lang, kung natatakot tayong mahawa, mas malaki ang takot nila para sa kanilang pamilya na naghihintay sa kanilang pagbabalik. Hindi ito ang panahon para magsisihan o pangilagan ang iba kundi ito ang panahon upang patunayan natin sa ibang bansa ang likas na katangian ng mga Pinoy sa pagiging matulungin sa kapwa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page