top of page

Mga senyales ng pagbubuntis

  • Shane Ludovice
  • Feb 11, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Almost two months pa lang kaming kasal ng mister ko pero feeling ko ay buntis na ako dahil dalawang linggo nang delayed ang mens ko. Puwede ba ninyong talakayin ang tungkol sa mga sintomas ng pagbubuntis? - Karla

Sagot Ang unang trimester ay ang una hanggang 12 linggo ng pagbubuntis. Sa panahong ito, maraming pagbabagong nararanasan ang babae dahil sa hormonal changes na nakaaapekto sa halos lahat ng organs ng katawan. Ang mga pagbabagong ito ay puwedeng mag-trigger ng mga sintomas.

Narito ang ilan sa mga sintomas na ito:

  • Sobrang pagkapagod

  • Pamamaga ng suso at pagbabago ng kulay ng nipples

  • Pagkahilo at pagsusuka

  • Madalas na pag-ihi

Nagsisimula nang mag-develop ang puso at baga ng sanggol kasabay ng utak, spinal cord, nerves, braso at hita sa unang buwan ng pagbubuntis. Sa ikatlong buwan, nagsisimulang mag-grow ang mga buto, muscle, daliri at bituka ng bata. Sa panahong ito madalas nalalaglagan ang ina.

Ang pangalawang trimester naman ay ang ika-13 hanggang 27 linggo ng pagbubuntis. Ang ilan sa mga hindi kaaya-ayang epekto ng pagdadalantao tulad ng pagkahilo ay nababawasan o tuluyang nawawala sa mga panahong ito dahil naka-adjust na ang katawan sa pregnancy hormones. Ang isa sa mga pinakamalaking pagbabago sa stage na ito ay ang paglaki ng tiyan.

Narito ang mga puwedeng magbago sa katawan kung nasa ikalawang trimester ng pagbubuntis:

  • Pananakit ng ilang parte ng katawan tulad ng likod, tiyan, singit at hita.

  • Pagkakaroon ng stretch marks sa tiyan, suso, singit at puwit.

  • Pangingitim ng balat sa paligid ng nipples.

  • Pagkakaroon ng linya mula sa pusod hanggang sa ari.

  • Pamamaga ng daliri, mukha at bukung-bukong.

Sa pagitan ng ika-18 hanggang ika-22 linggo, maaari nang malaman ang kasarian ng bata sa pamamagitan ng ultrasound. Sa ikaapat na buwan, nadi-develop na ang kilay, pilik-mata, kuko at leeg. Nagkakaroon na rin ng buhok at bumubukas na ang mata sa ika-anim na buwan.

Ang pangatlong trimester naman ay sa ika-28 hanggang ika-36 linggo ng pagbubuntis, ang mga nagdadalantao ay maaaring mahirapan sa paghinga dahil lumiit ang espasyo ng baga para mag-expand dulot ng lumalaking uterus. Mas dadalas na rin ang pag-ihi dahil sa dagdag na pressure sa bladder. Maaari ring makaranas ang mga magiging nanay ng paglabas ng colostrum, bilang paghahanda sa breastfeeding. Sa pangatlong trimester, ang fetus ay sumisipa na at nag-iinat. Kaya na rin nitong mag-respond sa ilaw at tunog. Kaya rin nilang buksan at isara ang kanilang mga mata. Pagdating naman ng pangwalong buwan, maaari nang sinukin ang bata. Mas mabigat na rin ang fetus dahil matigas na ang mga buto nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page