top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Kahit may banta ng nCoV Tokyo Olympics, tuloy

Gerard Arce
Feb 11, 2020
2 min read

Hindi umano mapipigilan ang pagsasagawa ng 2020 Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan kahit pa umano may malaking banta ng novel Corona Virus (nCoV) na lumalaganap sa buong mundo.

Inanunsiyo ng International Olympic Committee (IOC) na wala silang plano na ipatigil ang paglulunsad ng pinakamalaking sports event, ngunit patuloy nilang sinusubaybayan nang maigi ang outbreak na nagpahinto sa ilang kompetisyon at qualifying tournaments na ginaganap sa China.

“The coronavirus has nothing to do with the 2020 Olympics as this outbreak won’t block the games,” wika ni IOC Vice President Ugur Erdener mula Turkey sa panayam ng Anadolu Agency. “If some are infected, they won’t be allowed to enter Japan of course,” dagdag ni Erdener kaugnay sa mahigpit na pagbabantay ng mga opisyales ng Olympics sa mga atleta at coaching staff. Tulad umano ng kanilang bansa, mahigpit na dumaraan sa matinding screening ang mga taong dumarating sa kani-kanilang paliparan. Ginagamitan umano ng mga opisyales ng kanilang bansa ng thermal cameras ang mga pumapasok sa naturang bansa galing ng Silangang Asya.

Sinuportahan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang hakbang na ginagawa ng ibang bansa, habang siniguro ng kanilang gobyerno na hindi magkakagulo dahil sa outbreak ang 2020 Tokyo Olympics na magsisimula sa Hulyo 24-Agosto 9.

“We will keep in close contact with everybody, including the International Olympic Committee and the World Health Organization, to take appropriate steps and keep the coronavirus from affecting the Olympics,” pahayag ni Abe sa isang parliamentary session sa Japan.

Samantala, inihayag ni Japanese Olympics Minister Seiko Hashimoto na hindi kinokonsidera ng Olympic organizers na ipahinto ang quadrennial meet kahit pa umano nakapinsala na ito ng 842 na buhay sa China at ibang bansa mula nang lumaganap ito sa Wuhan City noong Disyembre 2019. Mahigit na sa 34,000 na ang nahawaan ng sakit na naipapasa sa mga tao mula sa mga wild animals tulad ng paniki.

Marami nang qualifying at torneo ang kanselado na dahil sa pag-iwas sa nakahahawang sakit. Ipinagpaliban muna ng Chinese Football Association ang lahat ng mga laro nito sa 2020, gayundin ang International Basketball Federation (FIBA) para sa women’s Olympic qualifying tournament sa Foshan China patungong Belgrade, Serbia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page