Iregularidad sa kaliwa Dam bidding, buking — COA
- Mylene Alfonso
- Feb 11, 2020
- 1 min read

Nabuking umano ng Commission on Audit (COA) ang ilang iregularidad sa paggagawad ng kontrata para sa konstruksiyon ng P12.2-billion Kaliwa Dam project sa Infanta, Quezon sa isang Chinese firm.
Sa 8-pahinang audit observation memorandum na may petsang June 10, 2019, sinabi ng COA na nabigo ang technical working group (TWG) ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na makapagsagawa ng nararapat na bidding at vetting procedures bago nito iginawad ang proyekto sa China Energy Engineering Corp. (CEEC) noong December 2018.
“We recommend that (MWSS) Management demand explanation from the members of the TWG for acceptance of the two bidders/contractors in spite of non-compliance with vetting/pre- qualification requirements,” nakasaad sa memo na ginawa nina officer-in-charge audit team leader Rency Meryl Marquez at officer-in-charge supervising auditor Ma. Nancy Uy at naka-address kay MWSS administrator Reynaldo Velasco.
Dapat din umanong papanagutin ang mga opisyal ng TWG sa kabiguang magsagawa ng pagsusuri sa proyekto at humiling ng kapalit ng dalawang hindi kuwalipikadong bidders na pumigil sa MWSS na makapili ng pinaka-qualified na contractor.
Sa imbestigasyon ng audit team ay lumabas na nagsagawa ng shortlist ang TWG ng MWSS at kalaunan ay tinanggap ang bid applications ng tatlong Chinese firms – CEEC, Consortium of Guangdong Foreign Construction at Power China Ltd. – bagama’t, dalawa sa mga ito ay hindi umano nakatugon sa pre-qualification requirements na naunang itinakda ng MWSS para sa proyekto.





Comments