top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Hamon sa SolGen matapos magreklamo sa SC.. Paglabag ng ABS-CBN, ilantad

L. Abenales / M. Alfonso / V. Reyes
Feb 11, 2020
2 min read

Hiniling ni Senador Grace Poe sa Office of the Solicitor General (OSG) na ilantad o isapubliko ang detalye ng sinasabing paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa kaya naghain ng quo warranto case sa Supreme Court (SC).

“Well unang-una, nais kong malinawan kung ano ba talaga’ng basehan nito kasi sinabi nila abusive practices, diumano, or mapang-abusong gawain, pero hindi naman nadetalye pa sa ating pagsasaliksik o sa news na lumabas kung ano ba itong mga ito,” ani Poe.

“Para sa akin, hindi naman tayo lahat santo, wala namang perpektong kooperatiba o kumpanya, lahat ay may pagkakamali. So, siguro sa mga pagkakamali na ‘yon dapat maidetalye kung anu-ano ang mga ‘yan. Kung ano ang angkop na kaparusahan, pero ito ba ay nangangailangan ng pagkansela,” dagdag pa ng mambabatas,

Sinabi rin ni Poe na dapat nang pag-aralan ang prangkisa ng ABS-CBN na kapangyarihan ng Kongreso, ang Mababang Kapulungan at Senado.

Una nang hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalambisa ang prangkisa ng ABS-CBN. Inihain kahapon ng umaga ni Calida sa korte ang quo warranto petition na nag-ugat umano sa mga paglabag ng ABS-CBN sa ilang terms and conditions ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence.

Gayunman, sa pahayag ng ABS-CBN, nanindigan ang kumpanya na wala itong nilalabag na batas.

Ang unang gustong ipatigil ni Calida ay ang pay-per-view service ng KBO, isa sa mga channel sa ABS-CBN TV Plus dahil wala umano sa prangkisa ng ABS-CBN na puwede itong maningil sa isang free-to-air station. Pero ayon sa kumpanya, aprubado ng gobyerno ang KBO.

Kinuwestiyon din ni Calida ang pag-alok ng ABS-CBN ng Philippine depositary receipts (PDRs) sa mga dayuhan dahil labag umano ito sa Konstitusyon na nagsasabing dapat 100 porsiyentong Filipino-owned ang media companies sa bansa. Gayunman, sagot ng ABS-CBN, ang PDR ay hindi shares of stock at ang may-ari nito ay walang karapatang bumoto.

Rehistrado rin umano at aprubado ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Stock Exchange ang PDRs ng ABS-CBN, tulad ng PDR ng GMA Network.

Katunayan, nauna na umanong sinabi ni dating SEC Chair Teresita Herbosa na inaprubahan ng SEC ang PDR ng ABS-CBN.

Inakusahan din ng OSG ang ABS-CBN Convergence na hindi idinaan sa Kongreso ang paglipat ng prangkisa at hindi pag-alok ng shares of stock nito sa publiko. Pero ayon sa ABS-CBN, ang pagmamay-ari ng ABS-CBN at ABS-CBN Convergence ay kagaya lang din sa ibang telecommunications company. Ito rin ay naaayon sa batas. Inihain ang petisyon kahit nakatakda nang mapaso ang prangkisa ng network sa Marso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page