Basta naka-diaper at walang amoy — LTFRB.. Alagang hayop, puwede na sa pampublikong sasakyan
- V. Reyes
- Feb 11, 2020
- 1 min read

Pinapayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibitbit ng mga alagang hayop sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
Bago ito, ipinagbabawal na dalhin ng mga may-ari ang kanilang alagang hayop sa loob ng jeep, bus at iba pang public utility vehicle maliban na lang kung ilalagay sa hiwalay na animal compartment at walang ibang kasamang pasahero.
Gayunman, sinasabing nakalilito ang dating panuntunan ng LTFRB dahil karamihan sa mga pampublikong sasakyan ay walang animal compartment at malabong walang ibang pasahero sa jeep at bus.
Sinabi ni Ang Probinsiyano Partylist Rep. Ronnie Ong na matapos ang kanilang pakiusap sa LTFRB ay nagpalabas ito ng memorandum circular upang amiyendahan ang dating kautusan para mapayagan ang mga alagang hayop sa PUV.
Kinakailangan lamang na katabi ng may-ari ang alagang hayop at hiwalay na babayaran ang upuan o puwesto nito. Dapat ay nakasuot din ng diaper at walang amoy ang alagang hayop. Para sa kaligtasan naman ng ibang pasahero, itinutulak ni Ong na kailangang siguruhin ng may-ari na kalmado ang kanyang alagang hayop at updated ang bakuna nito.





Comments