Pasaway sasampulan.. P5-K multa sa ayaw mag-face mask

Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan na may kaakibat na parusa at multa ang hindi pagsusuot ng mga ito ng face mask.
Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra III, ipinalabas ang Memorandum Circular 2020-005 para hindi kumalat ang coronavirus. Kaya panawagan niya sa mga drayber at operator na sumunod sa memorandum circular lalung-lalo na sa pagmamaneho para hindi na umabot pa sa pagmumulta sa kanila.
“May violation po ‘yan na tinatawag na breach of franchise so may kaakibat na penalty tungkol diyan at least P5,000 ang violation,” giit ni Delgra sa isang panayam.
Gayunman, may ilang drayber ang hindi sumusunod sa kautusan. Anila, wala silang pambili ng face mask, hirap daw makahinga at hindi makatawag ng pasahero kapag may takip ang bibig.





Comments