Kakasa si Donaire sa mas batang si WBC champ Oubaali

Susubukan ni 4-division world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na muling maging kampeon sa panibagong pagkakataon sa paghamon nito kay World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nordine Oubaali ng France.
Maaaring maganap ang salpukan ng dalawang matitikas na boksingero sa Abril sa Los Angeles, California sa U.S. ayon sa report.
Muling kakatok sa world championship ang 37-anyos na Filipino-American mula Talibon, Bohol kasunod ng malupit na pagsagupa nito laban kay IBF/WBO 118-lb king Naoya Inoue sa World Boxing Super Series sa Saitama, Japan na nauwi sa unanimous decision victory ng Japanese superstar.
Ayon pa sa report, naniniwala si Ringstar Sports head at dating Golden Boy CEO Richard Schaefer na magagawang makamtan ni Donaire ang kampeonato dahil nakikita nitong malaking bentahe para kay Donaire ang height at lakas nito sa naturang dibisyon.
“I think that Nonito’s chances are very good. In this weight class, Nonito is the King. He is very strong and big and I believe he will win and become world champion again. I am very proud to be in his corner and will do anything I can to help him and support him,” wika ni Schaefer sa report.
Nailagak bilang mandatory challenger ang dating 2012 Fighter of the Year ng Boxing Writers Association ng U.S. matapos mawala sa eksena ang dating number 1 contender na si Luis Nery ng Mexico dahil sa problema sa timbang.
Sa kabilang banda, matagumpay na naidepensa ni Oubaali ng dalawang beses noong isang taon matapos makuha ang kanyang titulo laban kina Rau’shee Warren noong Enero, kasunod ay idinepensa nito kay Filipino counterpart King Arthur Villanueva noong Hulyo at Takuma Inoue ng Japan noong Nobyembre.
Masusubukan ang tatag at tibay ng French world titlist at two-time Olympian sa mabibilis na kumbinasyon ng Filipino Flash na nabiyayaan bilang 2019 Fight of the Year Award laban kay Inoue.
Itataya ng 33-anyos na si Oubaali ang unbeaten record na 17-0 at 12KOs na tumuntong ng professional league noong 2014 laban sa 40-6 at 26KOs ni Donaire na nagawa nang magkampeon sa IBF/IBO flyweight, interim WBA super flyweight, super WBA/WBC/WBO bantamweight, IBF/WBO super bantamweight at super WBA featherweight belts.





Comments