Dilawang madre at pari, racist, sa galit kay P-Digong, pati mga Chinese idinamay
- Bobi Tiglao
- Feb 10, 2020
- 2 min read
Nakikita ng buong bayan kung gaano ka-“racist” ang dilawan. Sa halip na pagkakaisa ang pairalin sa gitna ng krisis ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD), tila gusto pa nilang palalain ang sitwasyon.
Sinisisi nila ang mga Chinese dahil sa China nagmula ang sakit na ito na kumalat sa buong mundo dahil sa maraming kadahilanan.
Hindi ba sila nag-iisip nang matino o gusto lang talaga nilang pabagsakin ang gobyernong Duterte para maibalik ang kampon nila sa Palasyo?
Malabo na silang manalo sa 2022 election lalo na at lumabas ang kahinaan ng ulo ni VP Leni Robredo, ang kanilang pambato na bagama’t, bise-presidente, hindi naman maramdaman ang kanyang mga ginagawa para sa bansa.
Isang ehemplo ng pagiging “racist” ng dilawan ay ang mga kolum na mababasa sa paboritong diyaryo ng mga ito, ang Philippine Daily Inquirer. Mayroon silang kolumnista (dating madre pero lumabas daw ng kumbento at hindi natin alam ang dahilan) na sobrang anti-Duterte at anti-Marcos pero siyempre, pro-Amerika.
Alam n’yo ba kung ano ang titulo ng kanyang kolum? “7 ‘Deadly Plagues’ from China.”
Ipinagmamalaki ng PDI na disente sila pero, bakit nagawa nilang ilathala ang ganitong kalokohan?
Sinabi niyang ang pitong ‘deadly plagues’ o mga sakit na galing daw sa China ay ang nCoV ARD, ilegal na pasugalan, prostitusyon, krimen, ilegal na droga, kabastusan at pang-aagaw ng teritoryo ng Pilipinas at dagdagan pa raw ng mambabasa kung gusto nila.
Ano raw? Pinalalabas niyang lahat ng ito ay imbento o galing sa mga Chinese? Napaka-racist naman ng kolumnistang ito. Sa sobrang galit niya kay Pangulong Duterte at “pagmamahal” naman kay ex-P-Noy, tila mapurol na ang kanyang utak.
Relihiyosa raw ang kolumnistang ito. Aba, kung ganu’n ay magkumpisal na siya. Hindi siya nagpakita ng “kindness and compassion” o anumang simpatiya sa mga Chinese na namatay na, may sakit ngayon at nasa ospital na patuloy na inoobserbahan, naka-quarantine at naka-lockdown sa kanilang bayan.
Tao lang ang mga Chinese, baka nakakalimutan niya? Isa pa, milyun-milyong Pinoy ang may Chinese blood. Nasa isang mundo lang tayo — konektado ang lahat — negosyo, kultura, kalakal, turismo, dugo (dala ng mga inter-marriage) at iba pa.
Kapag bumagsak ang China, malaki ang posibilidad na bumagsak din tayo, gayundin ang ibang mga bansa sa mundo.
Isa pang nagpakita ng pagiging ‘racist’ ay ang relihiyoso kuno na si Fr. Erik Mark Sarmiento Salamat. Siya mismo ang nag-post sa social media ng kanyang litrato na hawak ang malaking krus na may nakapakong HesuKristo: “May 2 places lang sana na puwedeng i-confine ang mga Intsik na nasa ‘Pinas na positive sa coronavirus: 1) Sa kuwarto ni Pangulong Duterte; 2) sa kuwarto ni Sen. Christopher “Bong” Go. Tapos magkuwentuhan sila ng mga Tsekwa sa fairytales.
Nakakagulat ang pinagsasabi ng paring ito. Hindi lang siya nag-discriminate kundi nambabastos pa siya. Ang paring tulad ni Salamat ang salot ng Pilipinas, dilawan na nagkakalat ng kamuhian sa kapwa-tao. Sa tingin ba niya, gaganahang pumunta sa Simbahan ang mga tao kung ganito ang pari na magsesermon sa inyo?




Comments