Visa upon arrival ng mga Chinese, naaabuso na, talupan!
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Nababahala tayo sa mga balita na posibleng nagagamit sa krimen at maling gawain ang ating Visa Upon Arrival (VUA) Policy para sa mga Chinese nationals.
Noong second-half ng 2019, halos 300 Chinese sex workers at mga kliyente nila ang nasabat sa mga raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa 12 brothels sa anim na lungsod.
Ang paglaganap nito ay hinihinalang dahil na rin sa paglago ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nagke-cater sa mga players sa China kung saan ilegal ang ganitong pasugalan.
Nagbu-book ng appointment ang mga kliyente ng mga Chinese operated sex dens gamit ang mga mobile applications.
Ito ang dahilan kung bakit kamakailan ay nag-file tayo ng Senate Resolution number 309 kung saan hinihimok nito ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon upang matiyak na hindi makaaapekto o nagagamit ang VUA sa maling gawain tulad ng sex trafficking at prostitusyon sa bansa.
Isinaalang-alang din natin sa resolusyong ito ang outbreak ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) kung saan tatlo nang Chinese nationals ang nagpositibo sa virus at nakapasok sa ating bansa.
Ang VUA ay programa upang palakasin ang ating tourism industry at foreign investment at mapadali ang pagpasok ng mga Chinese nationals sa ating bansa. Ito ay batay sa Department Circular 041 na inilabas ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II noong 2017. Pinapayagan nitong mamalagi sa ating bansa ang Chinese national sa loob ng 30 araw at puwedeng mag-apply ng extension hanggang anim na buwan.
Kailangang imbestigahan at i-assess ang kasalukuyang proseso ng visa application para sa mga Chinese nationals, bukod pa sa kailangang maging mapagbantay at mas matapang ang regulasyon ng ating pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments