Labag daw sa privacy ng pasahero.. Audio at video recording ng Grab, ipina-stop
- BRT
- Feb 9, 2020
- 1 min read

Ipinahinto ng National Privacy Commission (NPC) ang ipinatutupad ng Grab Philippines na tatlong data processing system.
Base sa walong pahinang cease and desist order na ipinalabas ng NPC na isinulat ni Deputy Privacy Commissioner John Du-Naga, ipinag-utos nito na ihinto ng Grab PH ang kanilang ginagawang passenger selfie verification, in-vehicle audio at video recording.
Nakasaad sa kautusan na may nadiskubreng deficiencies ang NPC sa ginagawa ng Grab na maaaring maglagay sa panganib sa privacy rights ng mga sumasakay dito.
Samantala, sinabi ng Grab na ang passenger selfie verification ay proseso
upang ma-identify ang kanilang pasahero na maaari ring magamit na ebidensiya sa mga reklamo at tatagal ito sa kanilang system sa loob ng pitong taon.
Ang in-vehicle audio recording naman ay ginagamit upang maidokumento ang usapan ng driver at pasahero habang nasa biyahe na mananatili sa system ng Grab sa loob ng pitong araw.
Ang in-vehicle video recording naman ay upang maidokumento ang experience ng pasahero at driver habang nasa biyahe.
Sa nabanggit, ang passenger selfie verification ay matagal ng ginagawa ng Grab habang nasa pilot test naman ang in-vehicle audio at video recording. Iginiit ng Grab na ginagawa nila ito para sa kaligtasan ng driver at pasahero.
Ayon naman sa NPC, bagama’t, ang pangunahing pinangangalagaan ng komisyon ay ang kaligtasan ng driver at pasahero, iginiit nito na hindi dapat ipagsawalambahala ang privacy ng mga pasahero ng Grab.





Comments