top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Hamon kay P-Du30.. P12.2 billion Kaliwa Dam, talupan

  • Mylene Alfonso
  • Feb 9, 2020
  • 2 min read

Hinamon ng Makabayan bloc sa Kamara ang administrasyong Duterte na patunayang hindi lugi ang mga Filipino sa pinasok nitong kontrata sa China para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation na magmumula sa Quezon Province hanggang sa Tanay sa Rizal.

Nanindigan ang grupo na labag sa Konstitusyon ang loan agreement para sa naturang dam project na nagkakahalagang P12.20 bilyon.

Sa website ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ongoing na ang acquisition sa mga lupa na daraanan ng Tunnel Outlet Portal at nakikipag-ugnayan na sa mga LGU) ng Infanta, Real, General Nakar, Quezon Province, Tanay, Morong, Baras, Rizal Province at sa DENR subalit, iginiit ni Bayan Muna Rep. Isagani Carlos Zarate na dapat itong itigil ng gobyerno hangga‘t hindi naitatama ang mga ‘onerous provision’ sa kontrata na malinaw umano na hindi makabubuti sa mga Filipino.

Kinontra rin ni Zarate ang pahayag ng MWSS na ang Kaliwa Dam ang solusyon para maiwasan ang panibagong krisis sa tubig at tutugon sa malaking pagkakukulang sa kapasidad ng Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.

Ayon kay Zarate, maaaring resolbahin ang water crisis nang hindi na kinakailangang magtayo ng dam na bukod sa malapit na sa fault line ay magdi-displace pa sa mga indigenous people at maglulunod sa bansa sa panibagong foreign debt lalo at 2% umano ang interest rate na uutangin sa China.

Binira rin ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang confidentiality clause sa Kaliwa Dam project. Aniya, dahil sa confidentiality clause na ito ay hindi basta-basta magkakaroon ng access sa naging loan agreement.

Samantala, sinabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na malinaw na diskriminasyon sa mga katutubo ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Aniya, maaari namang kumuha ng dagdag na supply sa Wawa Dam at Laguna Lake kung kulang ang supply sa Angat Dam.

Nanindigan naman ang Department of Finance (DOF) na ang loan agreement na pinasok nito sa China ay maituturing na isa lamang normal na kasunduan tulad din ng mga pinasok ng mga nakaraang administrasyon sa ibang mga bansa tulad ng Japan, Korea at France.

Buwelta naman ni Colmenares sa DOF, tukuyin muna nito ang mga loan agreement sa ibang bansa na sinasabi nitong may mga confidentiality clause rin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page