AIA 7’s Football League lalarga na sa McKinley

Magbabalik ang mas pinalaking ika-limang AIA Philam Life 7’s Football League ngayong araw ng Linggo sa McKinley Stadium sa Taguig City. Mula sa anim na koponan noong una niyang torneo noong 2018, pinagsamang 82 koponan ng kalalakihan at pati na rin para sa mga babae at kabataan ang sumali.
“It’s my personal advocacy to make Football more inclusive so that more people will appreciate it,” wika ni Anton del Rosario, ang dating Philippine Azkals defender na nagtayo ng liga. Mas madaling magbuo ng koponan dahil pito lang ang kailangan na manlalaro kumpara sa 11 sa tradisyonal na Football.
Maliban sa McKinley Stadium, sabay-sabay sisipa ang aksyon sa Muntinlupa, Clark Special Economic Zone at Batangas. May mga palaro rin sa Cebu, Iloilo, Bacolod at Davao.
Dagdag ni Del Rosario, tututukan nila ng pansin ngayon ang mga probinsiya. “First we have to create awareness for Football followed by continuity and finally mastery.”
Mahigit kalahati o 48 na koponan ay mga kabataan. Dahil dito, kumuha ng mga coach sa pangunguna nina Aly Borromeo na dating kapitan ng Azkals at Daniel Matsunaga upang turuan at gabayan ang mga bata para sa kanilang mga laro.
Malaking bagay ang pagpasok ng AIA Philam Life sa liga dahil matagal na silang kilalang tagataguyod ng football sa buong mundo. Ang AIA ay isang sponsor ng Tottenham Hotspur, isa sa mga tanyag na koponan sa Inglatera at kamakailan ay pinapunta nila sa Pilipinas ang superstar na si David Beckham.
May mga naghihintay na sorpresa para sa mga manonood ng mga laro buhat sa mga sponsor. Ang Super Eagles ang nagkampeon noong nakaraang taon at gagawin nila ang lahat para manatili sa kanila ang tropeo subalit tiyak na mas mahigpit ang labanan ngayon.





Comments