Tips para hindi maging tabatsingtsing

Dear Doc. Shane, Lumaki nang husto ang katawan ko dahil madalas akong mag-stress eating. Ngayon, medyo nagbabawas na ako sa pagkain pero kulang pa rin ako sa ehersisyo dahil sa sobrang pagtatrabaho. Ano ba ang mainam na gawin para mabawasan ang aking timbang? - Fe
Sagot Ang pagsobra ng timbang o obesity ay mahalagang isyung pangkalusugan na kinahaharap ng marami. Ito ay dulot ng kombinasyon ng kawalan ng kontrol sa pagkain at hindi masyadong pagkilos. Ang pagiging obese ay kadikit ng pagkakaroon ng ilang mga karamdaman at mga kondisyong pangkalusugan tulad ng sakit sa puso, diabetes, stroke at marami pang iba. Sa madaling salita, hindi ito makabubuti sa kalusugan.
Kaugnay ng mga nabanggit na implikasyon ng pagiging sobrang bigat o obese, narito ang ilang hakbang na maaaring sundin upang maiwasang humantong sa ganitong kondisyon:
• Ugaliin ang regular na pag-eehersisyo. Sa regular na pag-eehersisyo, masusunog ang mga naimbak na calories na hindi nagamit ng katawan. Ang mga naiipong calories ang siyang nagiging bilbil at taba sa katawan. Bigyan ng kahit isang oras ang sarili para mag-ehersisyo sa isang araw at mabuting gawin ito ng lima hanggang anim na beses sa isang linggo.
• Kumain ng balanse at masusustansiya. Kung malalaman mismo ang tamang dami na dapat lamang ikonsumo sa isang araw, malayong magkaroon ng sobrang calories na maiimbak sa katawan. Malaking tulong ang pagkain ng prutas at gulay upang madagdagan ang mga bitamina at mineral na kailangan ng katawan.
• Umiwas sa mga pagkaing maaaring makasira ng timbang. Ang tukso ng mga junkfood, softdrinks at iba pa ay mahirap maiwasan, lalo at ang mga ito ay madaling makain sapagkat ang mga ito ay instant food. Sa kasamaang-palad, maaaring ito ay may taglay na matataas na lebel ng calories na hindi kinakailangan ng katawan. Bukod pa rito, maaaring may taglay din ang mga pagkaing ito na sobrang cholesterol, sodium at iba pang sangkap na maaaring may implikasyon sa kalusugan.
• Bantayang mabuti ang timbang. Mahalagang bantayan ang timbang dahil sa pamamagitan nito, malalaman kung kailan dapat dagdagan o dapat bawasan ang dami ng pagkain. Mahalagang bigyan ang sarili ng “target na timbang” na kailangang abutin sa loob ng ilang linggo o buwan.
• Magkaroon ng aktibong pamumuhay. Hindi makatutulong ang pag-upo lamang nang maraming oras. Kinakailangan ang pagkakaroon ng aktibong pamumuhay lalo na kung wala namang oras para makapag-ehersisyo. Bigyan ang sarili ng oras para tumakbo o maglakad sa labas kasama ang alagang aso, magpakaaktibo sa mga sports tulad ng paglalaro ng basketball, badminton o maglibang sa pag-akyat sa bundok.





Comments