Takot sa nCoV.. OFWs galing China, ayaw tanggapin ng mga kapwa Pinoy
- Madel Moratillo
- Feb 8, 2020
- 1 min read

Kasunod na rin ng banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease, nagpahayag ng pagtutol ang ilang lokal na pamahalaan na madala sa kanilang lugar ang mga kapwa Pinoy na iuuwi sa bansa mula sa China. Sa Wuhan, China nagsimula ang nCoV na kumalat na sa maraming bansa at kumitil ng maraming buhay.
Isa sa pinag-aralan na pagdalhan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ay sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija kung saan naroon ang tinaguriang mega rehab center ng bansa. Ang drug treatment and rehabilitation center na ito ay kayang maglaman ng 10 libo katao. Itinayo sana ito para sa drug surrenderees.
Gayunman, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, tutol ang mga lokal na opisyal ng Nueva Ecija sa planong gawing pansamantalang quarantine center ng mga uuwi galing China ang nasabing gusali.
Dahil walang tumanggap sa mga pauwing Pinoy, inialok na lang ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang Athletes Village na nasa loob ng New Clark City sa Capas, Tarlac.
Gayunman, tutol din ang mga lokal na opisyal sa Capas. Bagamat, nauunawaan umano nila ang sitwasyon ng mga apektadong Pinoy ay nangangamba naman sila para sa kanilang kalusugan at kaligtasan lalo na at ang New Clark City ay isang open air facility. Bukod dito, hindi rin umano sila nakonsulta hinggil sa plano.
Pinawi naman ng Department of Health ang pangamba ng mga taga-Capas. Ayon kay DOH Usec. Eric Domingo, walang sakit ang mga mananatili sa Tarlac. Ang mga maysakit ay ididiretso aniya sa ospital pagdating sa bansa.





Comments