Mga baboy sa Benguet, sapol sa ASF
- V. Reyes
- Feb 8, 2020
- 1 min read

Apektado na rin ng African Swine Fever (ASF) ang lalawigan ng Benguet makaraang magpositibo sa virus ang ilan sa mga baboy sa mga bayan ng Tuba at La Trinidad.
Kinumpirma ni Benguet Governor Melchor Diclas na nagkaroon ng kaso ng ASF sa kanilang lalawigan matapos may hog raiser na nagpuslit ng mga baboy mula sa Pangasinan na tinamaan na rin ng virus.
Sinasabing nabili online ang baboy at hindi dumaan sa checkpoint at hindi kumpleto ang papeles.
“Sad to say na meron na tayong ASF sa Benguet. ‘Yung isa galing ng online na kinuha nila from Pangasinan. Mga maliliit na papalakihin nila sana,” ayon kay Diclas.
Pinakain naman umano ng swill feeds o kaning baboy na galing sa mga restoran sa Baguio ang ilang mga baboy sa Tuba kaya nagkasakit ang mga ito.
Aabot na sa 100 baboy ang pinatay upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Naglabas na rin ng kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Benguet tungkol sa pagbabawal na magpasok ng baboy sa probinsiya.
“Ang ginawa na natin ngayon d’yan nakipag-coordinate na kami sa City of Baguio na lockdown na lang. Wala tayong papapasukin na live pigs dito sa Benguet,” dagdag pa ni Diclas.
Inaalam na rin kung pananagutin ang hog raiser na nagpuslit ng baboy na may ASF.





Comments