Kulong at multa sa mangingisdang pinabayaan lang sa dagat ang sugatang butanding
- Persida Acosta
- Feb 8, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, May nakitang sugatang butanding sa mababaw na parte ng karagatan malapit sa dalampasigan kung saan kami nakatira. Ang ginawa ng mga mangingisda na kabaryo namin ay hinila ang butanding patungo sa malalim na parte ng karagatan at hinayaan lamang na kusang magpagaling doon. Tama ba ang ginawa ng mga mangingisda? - Paulo
Dear Paulo, Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 2 ng Administrative Order 282, s. 2010 o mas kilala sa tawag na “Intensifying the Protection of the Whale Shark (Rhincodon Typus), Popularly Known as “Butanding”, In The Philippine Waters” kung saan nakasaad na; “Section 2. Mandatory Rescue of Wounded Whale Sharks. Concerned Local Government Units (LGUs) are hereby enjoined to render mandatory rescue efforts to any wounded whale shark found within their area of jurisdiction.
Upon sighting of a wounded whale shark, the Local Government Units (LGUs) concerned shall immediately coordinate with any unit of the Philippine Navy, Coast Guard, Philippine National Police (PNP) Maritime Command, Department of Agriculture (DA) and Department of Environment and Natural Resources (DENR) for proper care, treatment and eventual release.” [Binigyang-diin.]
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang mga LGUs kung saan natagpuan ang sugatang butanding ang may obligasyong sagipin ang mga butanding kung nalagay sila sa alanganing sitwasyon. Inaatasan din ang mga LGUs na makipag-ugnayan sa mga itinakdang ahensiya ng gobyerno upang masiguradong ang mga ito ay maalagaan, magamot at mapakawalan muli sa karagatan.
Kaugnay nito, mali ang ginawa ng mga mangingisda sa paghila ng butanding patungo sa malalim na parte ng karagatan kung saan doon na lang nila hinayaang magpagaling ang sugatang butanding. Dapat nakipag-ugnayan sila sa LGU ng inyong lugar upang ito ang makapagbigay ng kaukulang lunas sa sugat ng butanding at upang maipaalam sa mga itinakdang ahensiya ng gobyerno ang nasabing pangyayari sang-ayon sa nakasaad sa Section 2 ng Administrative Order 282, s. 2010.
Ito ay para masiguradong ang sugatang butanding ay magagamot at maibabalik muli sa karagatan. Dahil dito, maaaring parusahan ang nasabing mga mangingisda ng pagkakakulong at/o multa, sang-ayon sa Section 28 ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Gayundin, mayroong karampatang-parusa na pagkakakulong at/o multa sa sinuman na mag-aari o magbebenta ng nasabing butanding kung ito man ay mamatay, sang-ayon sa Section 4 ng Fisheries Administrative Order No. 193, Series of 1998.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments