FR. Danny Bermudo, tapos na ang misyon sa lupa bilang pari
- Fr. Robert P. Reyes
- Feb 8, 2020
- 2 min read
Ito ang ebanghelyo noong Huwebes, “Tinawag Niya ang labindalawa at sinugo nang dala-dalawa… at sinabi sa kanilang, ‘sa alinmang tahanang inyong tuluyan — manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang ito. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.’ (Marcos 6: 7-11)
Halos 38 taon na ang nakalilipas noong inordinahan kaming anim na magkakaeskuwela sa seminaryo ng San Jose. Batambata pa sina Fr. Jun Ares, Fr. Danny Bermudo, Fr. Bobby Colon, Fr. Edwin Mercado, Fr. Chito Tagle at ang inyong lingkod, si Fr. Robert Reyes. Batambata at napakatayog ng aming mga pangarap para sa Simbahan, ang tahanan ng Diyos. Puspos kami ng lakas ng diwa at espiritu, gayundin ang lakas ng katawan.
Sino ang mag-iisip ng malungkot, panghihinayang at hindi maganda tungkol sa amin? Matalino at mabilis mag-isip si Fr. Chito, napakahusay kumanta ni Fr. Danny, magaling namang magpatawa si Fr. Edwin habang magandang lalaki si Fr. Jun at mahusay magkuwento at magsalita si Fr. Bobby at noon pa man ay mahilig at mabilis na akong tumakbo.
Magkakaiba man ng personalidad at katangian ang bawat isa, masasabi kong pawang tatagal at hahaba ang buhay ng lahat dahil wala sa amin ang mayroong bisyo na makasasama sa kalusugan ng katawan, isip o kaluluwa.
Sa nagdaang 38 taon, napakaraming nangyaring masasayang bagay at mabibigat na suliranin. Bagama’t, hindi naging madali ang aming buhay, hindi ito dahilan ng pag-ayaw at pag-alis sa simbahan o sa pagkapari. Sinikap naming manatiling tapat at sumunod sa mga yapak ni HesuKristo. Anumang hirap at panganib ay susuungin namin para kay HesuKristo at sa Kanyang sambayanan — kamatayan man o buhay, walang makapaghihiwalay sa amin sa pag-ibig ni HesuKristo.
Kaya naman, ganu’n na lamang ang balitang bumulaga sa akin mula kay Fr. Edwin kahapon, “Wala na si Danny.” Mabilis kong hinagilap ang telephone number ni Fr. Jun na kasama ni Fr. Danny noong namatay ito sa kotse habang naglalakbay mula Pampanga pabalik sa Bulacan. Ikinuwento ni Fr. Jun ang buong detalye ng pangyayari. Nagmisa si Fr. Danny para sa ika-40 kaarawan ng kapatid nitong babae at nang pauwi na sila mula Magalang, Pampanga, natutulog sa biyahe si Fr. Danny nang bigla itong humilik at paglipas ng ilang minuto ay inatake ito sa puso.
Mayroon silang nasumpungang medics sa NLEX na nakapagbigay ng 30 minutong CPR ngunit, sa kasawiang-palad, hindi na naibalik ang tibok ng puso ni Fr. Danny. Natapos na ang kanyang makulay at masayang buhay ng paglilingkod bilang pari at mang-aawit ni HesuKristo.
Salamat at paalam, Fr. Danny, ngayon ay nasa piling ka na ng Panginoon. Wala nang makapaghihiwalay sa iyo sa Kanyang pag-ibig. Gayunman, pakiawit na lamang sa Ama ang aming panalangin para sa kapayapaan, katotohanan, katarungan, kalusugan at kalayaan.





Comments