Climate change, matinding kalaban bukod sa nCoV

Dahil marami tayong mga kababayan na walang kakayahang magpagamot o magpa-confine sa mga private hospital, mas pinipili nilang makipagsiksikan na lamang sa mga pampublikong ospital.
Ang nakalulungkot, gusto nating makatipid, pero hindi naman tayo komportable lalo na at sa mga ganitong ospital, may kahati tayo sa hospital bed.
Tayo ay may isinusulong na panukalang-batas sa Senado, ang Senate Bill 1291 na naglalayong magdagdag ng hospital beds sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Isa ang pagamutang ito, na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Department of Health (DOH) sa may pinakamaraming pasyente araw-araw. At dahil dito, isa rin sila sa mga pinakaabalang ospital sa bansa.
Sa kasalukuyan, 600 lang ang bed capacity ng EAMC at sa panukala natin, hinihiling nating gawin itong 1,000. Sa dami ng kanilang pasyente, madalas talagang lumagpas sa kanilang kapasidad ang operasyon.
Huling nagdagdag sa hospital beds ang EAMC noon pang 1997 matapos maaprubahan ang batas na nagpatupad nito.
Kasabay ng panukala nating ito, nananawagan din tayong i-upgrade ang mga
pasilidad ng EAMC, gayundin ang professional health care services nito at ang health human resource. Mas nakatitiyak nang maayos na serbisyo ang publiko kung parehong maipatutupad ang mga hangarin nating ito.
***
Ano ang isa sa pinakamalalaking challenge sa buong mundo ngayon?
Paglaban sa mga nakamamatay na sakit tulad ng nCoV? Talagang sakit ito sa ulo dahil hanggang ngayon, wala pang natutuklasang lunas. Pero may problemang matagal nang sumisira sa mundo –– ang climate
change.
Buti na lang, may mga batas tayong ipinatutupad ngayon na sasalag sa dagok nito sa atin,
Nariyan ang RA 10771 o ang Philippine Green Jobs Act na isinulong natin noon sa Senado. Ang batas na ito ang tututok sa mga establisimyento sa bansa na nasa linya ng production, manufacturing at pagbebenta ng mga produkto at iba’t ibang serbisyo.
Ang Department of Finance (DOF) at ang Climate Change Commission (CCC) ang magpapatupad sa mga alituntunin ng batas, habang ang CCC ang nakatoka sa pagbibigay ng sertipikasyon sa mga negosyo o kumpanya na mapatutunayang hindi nakasisira sa kalikasan.
May kaukulang insentibo mula sa DOF ang mga kumpanyang tulad nito. Inaatasan din ng batas ang DOLE na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya para sa pagbuo ng National Green Jobs Human Resources Development Plan na naglalayong isulong ang green economy.
Hindi biro ang problema natin sa climate change. Ito ang panahon para gumawa tayo ng mga kaukulang hakbang laban dito.
Hindi natin kailangang iasa sa mga susunod na henerasyon ang pagresolba rito, bagkus ay siguruhin nating maayos na kapaligiran at magandang kinabukasan ang iiwan natin sa kanila.
‘Ika nga ng pamosong teenager na si Greta Thunberg, “May panahon pa para solusyunan ang climate change. Huwag na nating patagalin pa. Gawin na natin ito ngayon at huwag na tayong mag-isip ng mga pasubali.”





Comments