Sinita sa coding, humarurot.. Chinese, nang-araro ng mga sasakyan, nandura ng pulis, nahulihan ng sh
- Mylene Alfonso
- Feb 7, 2020
- 1 min read

Photo: @Isa_Umali/GmaNetwork
Sinampahan ng patung-patong na kaso ang 50-anyos na Chinese national matapos takbuhan ang dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na maninita sana sa kanya sa isang traffic violation kahapon ng umaga sa panulukan ng Tayuman at Abad Santos Avenue sa Maynila.
Kinilala ng Manila Police District ang suspek na si Pablo Chu ng The Noble Place sa Binondo, Manila.
Batay sa imbestigasyon, alas-7:45 ng umaga nang mamataan ni MTPB Arthur Almovugla na lumabag sa coding scheme ang suspek kung saan sakay ito ng kanyang puting SUV.
Tinangka umano itong parahin ni Almovugla ngunit, nagtuluy-tuloy pa rin ang suspek kaya hinabol ng MTPB sakay ng motorsiklo at sa pagmamadali ay may nabangga pa itong sasakyan at napahinto lamang nang pumailalim sa SUV ang motor ni Almovugla.
Nabatid nang dumating ang mga pulis at nang buksan ang bintana ay nakitang may kasamang babae ang suspek.
Nang kapkapan, narekober sa kanya ang isang sachet ng shabu dahilan para siya arestuhin.
Hindi umano marunong magsalita ng Ingles ang Chinese kaya naghahanap pa ng interpreter ang mga pulis para magkaintindihan sa isinasagawang imbestigayson.
Dinuraan pa ng suspek ang nang-aarestong pulis, dahilan para kasuhan ito ng direct assault bukod sa patung-patong na reklamo na reckless imprudence resulting to damage of property, traffic violations at paglabag sa RA 9165 kilala bilang Dangerous Drug Act of 2002.





Comments