PUP student, tumalon sa condo, lasog
- M. Alfonso
- Feb 7, 2020
- 2 min read

Lasog ang isang 18-anyos naa estudyante ng Bachelor of Science in Electronics and Communication Engineering (BS-ECE) ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) makaraang tumalon mula sa rooftop ng 14-storey condominium sa Sta. Mesa, Manila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang bikima na si ‘Peter’, residente ng Sampaloc, Manila.
Base sa ulat ni P/Staff Sgt. Erikson Aguilar, alas-9:10 ng gabi nang mangyari ang insidente sa rooftop deck ng elevator ng El Pueblo Condominium, sa Anonas St., Bgy. 630, Sta. Mesa, Manila.
Lumalabas na nasa ika-15 palapag ang rooftop kung saan nagmulang bumagsak ang biktima patungo sa ibaba ng katabing construction site.
Nabatid na itinawag ng concerned citizen sa Hotline 911 ang pangyayari kaya rumesponde ang mga tauhan ng Bacood Police Community Precinct ng MPD-Station 8 at si Chairwoman Cristina Lara ng Bgy. 630, Zone 63 na unang nakakita sa nakahandusay na biktima sa loob ng construction site.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng mga kaklaseng sina ‘Jericho’, 19, at ‘Christian’, 18, na nagpadala ng mensahe sa Facebook messenger ang biktima at pinapupunta sila sa rooftop ng nabanggit na condo at bibigyan umano sila ng set ng E-cigarette.
Nang tunguhin ay hindi umano nila makita ang biktima hanggang sa akyatin ang rooftop ng elevator at doon nagulat nang makitang nakatayo sa gilid at dulo kaya sinabihan nila na umalis doon dahil delikado.
Subalit, sinabihan lang umano sila ng biktima na: “Sabihin n’yo na lang kina mama... hindi naman dahil sa inyo... mas mahirap ‘pag and‘yan kayo”, saka umano tumalon.
May ilang araw na umanong napapansin ni ‘Jericho’ na parang may sakit ang biktima at mistulang hindi ito nakakatulog kaya kinakausap niya para aliwin na sinagot lamang umano na okay lang naman siya.
Walang alam ang dalawa na may mabigat na problema ang biktima dahil ang alam nila ay may nakatakdang Valentine’s date ito.
Hihintayin naman ng MPD-Homicide Section ang pagdating ng mga kaanak ng biktima dahil wala itong kaanak sa Maynila.
Nagbilin pa ang biktima sa mga kaibigan na sabihin sa mama niya na wala na siya at ipamigay na lang ang kanyang mga gamit dahil bigo umanong makontak nito ang kanyang ina.





Comments