top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagsakay sa Angkas at JoyRide, SPA, massage chair at mga skin clinic, hindi na safe dahil sa nCoV

  • Bong Revilla
  • Feb 7, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

“Misinformation and hysteria is becoming more viral than the virus itself,” ito ang pahayag ni Health Sec. Francisco Duque III, na sana ay iniintinding mabuti ng ating mga kababayan.

Dalawang paraan lamang para mahawa tayo sa kinatatakutang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD), una ay mahawakan natin ang bagay na may virus o direktang maibuga sa atin ng may virus.

Sa halip na mataranta tayo at magkatakutan sa isa’t isa ay makabubuting maghinay-hinay at alalahanin nating mabuti kung anu-ano ang mga bagay na dapat nating iwasan para hindi tayo mahawa sa nCoV.

Ayon sa DOH, hindi porke nakasuot tayo ng face mask ay hindi na tayo tatablan nito dahil isa lamang ito sa mga dapat gawin sakaling pupunta o nasa matao tayong lugar.

Unahin pa rin ang kalinisan sa katawan tulad ng regular na pagligo, paghuhugas ng mga kamay o paggamit ng alcohol o hand sanitizer, pag-iwas sa paghipo sa mukha, partikular sa ilong, bibig at mga mata at umiwas sa mga bagay at lugar na maaaring pagdaluyan ng nasabing virus.

Gayundin, bilang parte ng pag-iingat, iwasan muna natin pansamantala ang pagsakay sa habal-habal tulad ng Angkas, Joy Ride at iba pang motorcycle taxi lalo na kung hindi tayo sigurado kung malinis ang ipinagagamit nilang helmet.

Natural lamang na kapag tinanong ng pasahero sa driver ng habal-habal kung malinis ba ang ipinasusuot nilang helmet ay agad nilang sasabihing malinis para hindi matakot sumakay ang pasahero.

Maliban na lamang kung papayagan ang pasahero na magdala ng sariling helmet kasi kung sinu-sino nang pasahero ang gumagamit ng helmet nito sa buong araw at hindi imposibleng nagtataglay na ito ng anumang mikrobyo.

Maging ang mga electric massage chairs sa mga shopping malls na hinuhulugan lamang ng pera ay hindi rin ligtas sa panahong ito dahil kung sinu-sino na rin ang mga gumagamit nito at isinusuot ang mga paa at magkabilang braso para mamasahe.

Maging ang mga naglipanang SPA ay makabubuting umiwas muna, maliban na lamang kung kilala nating malinis ang ating pinupuntahan, madilim ang mga silid ng mga ito at hindi natin makita kung malinis o marumi ang mga gamit dito.

Maging ang masahista mismo ay hindi tayo nakasisigurong malinis ang mga kamay bago himasin ang buong katawan hanggang sa mukha ng nagpapamasahe na posibleng daluyan din ng mikrobyo.

Makabubuti kung iwasan muna ang mga nagkalat na fly-by-night skin clinic dahil hindi naman mga totoong dermatologist ang gumagawa rito at walang habas kung masahihin ang mukha ng kanilang mga kustomer na pinahiran ng kanilang ibinebentang produkto.

Hindi tayo nananakot dito, pero ito ang katotohanang dapat tayong mag-ingat dahil ‘ika nga nila, huwag nating hintaying mabasa ng ulan bago tayo gumamit ng payong.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page