OFWs na sapul sa travel ban, bigyan ng trabaho sa Pilipinas
- Ryan B. Sison
- Feb 7, 2020
- 2 min read

Sa kalagitnaan ng umiiral na travel ban sa China, Hong Kong at Macau, maraming mga naantalang flight at trabaho, partikular sa mga OFW sa nabanggit na mga bansa.
May ilang hindi makabalik sa pinagtatrabahuhan at meron namang umaasang papayagang makaalis dahil ayaw nang palampasin ang oportunidad na naghihintay sa kanila sa ibang bansa.
Kaugnay nito, nananawagan ang ilang Pinoy na ikonsidera ng pamahalaan ng Pilipinas na payagan silang makabiyahe pabalik sa Hong Kong at Macau sa kabila ng travel ban dahil sa nakahahawang sakit na 2019 nCoV.
Bagama’t, naiintindihan ng ilang employers sa Hong Kong ang dahilan ng pagpapatupad ng travel ban, mas malaki umano ang posibilidad na mawalan ng trabaho ang mga Pinoy kapag hindi na makapaghintay sa kanilang pagbalik ang kanilang mga employer.
Samantala, marami pa ring Pinoy ang gustong magtrabaho sa Hong Kong dahil mas natatakot silang magutom ang pamilya kesa mamatay sa virus.
Una rito, inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pagkakalooban ng P10, 000 tulong-pinansiyal ang mga paalis na OFWs na apektado ng travel ban.
Hindi natin alam kung hanggang kailan tatagal ang travel ban kaya kahit magbigay ng tulong-pinansiyal ang gobyerno, hindi natin matitiyak kung sapat ito para sa pangangailangan ng mga naapektuhang OFW.
Sa mga kababayan natin, nauunawaan natin na gusto ninyong makipagsapalaran para sa inyong pamilya, pero sana, isipin n’yo rin ang kaligtasan ninyo.
Huwag naman sanang umabot sa punto na nakapagtrabaho nga kayo abroad, nakakuha naman kayo ng sakit at ang pinakamalala ay kung buhay n’yo ang maging kapalit.
Para naman sa ating gobyerno, kung hindi n’yo papayagang makalipad ang mga kababayan nating gustong makapag-abroad, bakit hindi natin sila tulungang magkaroon ng hanapbuhay dito sa bansa?
Kung kinakailangang makipag-ugnayan sa DOLE para mabigyan ng trabaho ang mga kababayan natin, gawin na ito kesa naman manatili sila rito nang walang inaasahang kita.
Hindi naman ito pang-forever kaya sa ngayon, tiis-tiis muna sa tulong na kayang ibigay ng gobyerno at magsikap na makapagtrabaho muna rito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments