top of page
Pokwang.jpg

nCoV, hindi lang tao ang pinapatay, pati ekonomiya

Korina Sanchez
Feb 7, 2020
2 min read

Hindi maitatangging napakalaki ng epekto ng nCoV hindi lamang sa China kung saan ito nagmula kundi maging sa iba’t ibang bansa kung saan ramdam na rin ang epekto nito sa ekonomiya.

Sa Hong Kong, hinihikayat ng CEO ng Cathay Pacific ang kanilang 27,000 empleyado na magkaroon ng tatlong linggong ‘unpaid leave’ dahil sa pagbagsak ng demand sa mga airlines kaugnay ng sunud-sunod na travel ban. Ito ang paraan ng mga negosyante para maprotektahan ang kanilang negosyo na tinamaan nang husto dahil sa mga nangyayari.

Ang turismo ng maraming bansa sa Timog-Silangang Asya ay nadamay din ng global health crisis. Marami ang ayaw munang bumiyahe sa mga rehiyon dahil sa takot at pag-iingat na rin ng marami na mahawahan ng nasabing virus.

Kasalukuyang may ban sa China, Hong Kong at Macau kaya apektado ang kanilang turismo.

Samantala, ang turismo sa Bangkok, Phuket at Chiang Mai sa Thailand ay tinamaan nang husto dahil ang mga taga-mainland China ang kanilang numero-unong turista.

Bagama’t, natural na may pangamba ang mga Pinoy na bumiyahe sa anumang lugar sa Asya dahil karamihan ay nagtala nang nagpositibo sa nCoV, mananatili namang bukas ang mga daungan sa bansa kabilang ang mga barkong galing sa China, ngunit nilinaw nilang hindi papayagang bumaba ang mga tauhan nito.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), mababawasan ang mga shipments na papasok sa bansa dahil sa paghihigpit ng China, Taiwan, Hong Kong at Macau.

Kaugnay nito, iniulat kamakailan na may isang Pinoy na nagpositibo sa nCoV. Ang kauna-unahang Pinoy na nagpositibo sa virus ay nagtatrabaho sa cruise ship, samantalang, kasalukuyan namang naka-quarantine nang 14 araw ang barko na kinalululanan nito sa karagatan ng Yokohama, Japan.

Sa totoo lang, hindi maiiwasang habang tumatagal ay lalong lumalaki ang epekto nito sa kabuhayan at sa buhay mismo ng mga tao. Sa ngayon ay wala pang makapagsabi kung kailan mawawala o titigil ang pagkalat ng nCoV.

Matatandaang, ang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) ay inabot nang walong buwan (Nobyembre 2002 hanggang Hulyo 2003) bago nagdeklara ang World Health Organization (WHO) na kontrolado na ang pagkalat ng sakit. Gayunman, sana ay mas mapabilis ito at huwag nang umabot pa nang ilang buwan bago tuluyang makontrol ng mga eksperto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page