Pilipinas, may 3 kaso na nCov, 1 namatay, P-Du30 chill lang
- Korina Sanchez
- Feb 6, 2020
- 2 min read
Hanggang ngayon, 2019 nCoV pa rin ang laman ng mga balita — sa diyaryo, radyo, telebisyon at social media — lokal man o internasyonal.
Matatandaang, ang sakit na ito ay naunang ibinalita bilang ‘misteryosong sakit’ na mula sa Wuhan, China. Ilang linggo mula nang mailabas ang nasabing balita ay saka lamang ito kinumpirma bilang 2019 novel coronavirus - acute respiratory disease (2019 nCoV - ARD).
Samantala, dahil sa patuloy nitong pagkalat hindi lamang sa China kundi maging sa iba’t ibang bansa, kamakailan ay tinukoy ito ng World Health Organization (WHO) bilang Global Health Emergency.
Sa China ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso nito kung saan humigit-kumulang 490 katao na ang namamatay habang libu-libo ang kumpirmado sa sakit na ito. Nakalulungkot na araw-araw ay nababalitaan natin ang pagdagdag ng mga namamatay at nahahawahan. Kaya naman, maraming bansa ang nagsara na ng kanilang borders sa China. Maraming airlines ang itinigil na pansamantala ang operasyon papuntang China, Hong Kong at Macau.
Sa katunayan, maging ang Pilipinas ay napasok na rin nito kung saan ayon sa tala ng Department of Health (DOH), may unang dalawang kaso na sa bansa — isa sa mga ito ang unang pasyente na namatay sa labas ng China at kahapon, kinumpirma ng DOH ang pangatlong kaso nito. Ang 60-anyos na babaeng Chinese na mula sa Wuhan, China na dumating sa bansa via Hong Kong noong January 20.
Kaugnay nito, siniguro ni Health Sec. Francisco Duque III, na mayroong masusing monitoring ang DOH at nakikipagtulungan na rin ang ilan pang mga lokal na pamahalaan nang sa gayun ay mapabilis ang imbestigasyon kung saan nanggaling o kung sino ang mga pinakamalapit na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa 2019 nCoV.
Samantala, nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ipangamba ang taumbayan dahil tiwala ang pangulo na lilipas din ang isyu tungkol sa 2019 nCoV. Naniniwala ang gobyerno na mas progresibo na ang medical science ngayon kumpara noong mga nakalipas na panahon.
Sa ngayon, kung meron man tayong dapat gawin, ito ay pangalagaan ang ating sarili, maging fully informed at maging positibo lamang dahil hindi natin masasabi ang mga mangyayari lalo na ngayong tila magkakasabay na tinatamaan ng mga suliranin ang ating bayan.





Comments