Nagpaturok ng gluta, bebot patay

Dedo ang isang 33-anyos na babae makaraang turukan ng glutathione ng isang nurse na nagtatrabaho sa isang SPA, noong Lunes ng hapon sa Sampaloc, Manila.
Kinilala ang biktima na si Shyrill Gee Distor, empleyado at residente ng Sampaloc, Manila.
Sa imbestigasyon ni PSSg. Teody Siguen, bandang alas-3:00 ng hapon nang magpunta umano ang biktima sa Glutaholics Spa na nasa Sampaloc, para magpasaksak ng glutathione dose.
Ayon sa nurse na si Jillian Dizon, kapatid umano ng may-ari ng Glutaholics Spa, sinaksakan niya ang biktima ng isang vial ng Aqua Skin-Diamond Pro Ultra White-F40 na gawa ng Skinnic Laboratories at isang ampule ng Ascorbic Acid Vitarex-C na gawa naman ng Grand Pharmaceutical Company.
Nabatid na pagkasaksak sa biktima ng mga nabanggit na gamot ay bigla na lamang itong nawalan ng malay.
Dahil dito, agad dinala ang biktima sa UST Hospital kung saan tuluyan itong binawian ng buhay alas-11:13 ng gabi noong araw ding iyon at idineklarang patay ni Dr. Hearty Yao.
Ayon kay PCpl. Allan Lingcong, hindi umano nakikipagkooperasyon sa imbestigasyon si Dizon na nagsaksak ng glutathione sa biktima.
Hinihintay pa umano ng MPD-HS, ang resulta ng awtopsiya para malaman kung ano ang sanhi kung bakit nawalan ng malay at tuluyang namatay ang biktima.
Inaalam din ng pulisya kung may iba pang karamdamang ang biktima.





Comments