Misis, wa’ ‘K’ sa kita sa minanang lupa ng mister hangga’t walang permiso ng lalaki
- Persida Acosta
- Feb 6, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Ikinasal kami ng asawa ko noong Mayo, 2008 at mayroong tatlong anak. Noong nakaraang taon, pinamanahan ang asawa ko ng lupang sakahan ng kanyang namayapang lola. Malaki ang kinikita ng lupang ito na talagang nakakatulong sa aming gastusin. Pero kamakailan ay nag-away kami ng asawa ko at dahil sa nangyari, ayaw na niyang ibigay ang kinikita ng lupa sa akin upang maipantustos sa gastusin ng aming pamilya. Nais kong malaman kung maaari ko bang makuha ang kinikita ng nasabing lupa para magkaroon ako ng karagdagang panggastos? Hindi naman ‘yun para sa akin kundi para sa aming pamilya. Salamat sa inyong pagtugon! - Siggy
Dear Siggy, Para sa inyong kaalaman, ang Article 75 ng Family Code of the Philippines ang batas na naaangkop sa inyong sitwasyon sapagkat ang inyong kasal ay naganap noong 2008. Ayon sa nasabing probisyon:
“Art. 75. The future spouses may, in the marriage settlements, agree upon the regime of absolute community, conjugal partnership of gains, complete separation of property, or any other regime. In the absence of a marriage settlement, or when the regime agreed upon is void, the system of absolute community of property as established in this Code shall govern.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nabanggit, ang property regime na gumagabay sa inyong mag-asawa ay ang tinatawag na absolute community of property. Ayon sa ganitong uri ng property relation, ang lahat ng ari-arian ninyong mag-asawa bago at pagkatapos ng inyong kasal ay kasali sa inyong absolute community. Nakasaad sa Article 91 ng Family Code na:
“Art. 91. Unless otherwise provided in this Chapter or in the marriage settlements, the community property shall consist of all the property owned by the spouses at the time of the celebration of the marriage or acquired thereafter.”
Kaugnay nito, mayroon din namang mga ari-arian na hindi kasama sa nabanggit na property regime. Ito ay binanggit sa Article 92 ng Family Code:
“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:
(1) Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property;
xxx.” (Binigyang-diin)
Sinasabi ng probisyong ito na ang minanang ari-arian ng isa sa mag-asawa, gayundin ang mga kaakibat na kita nito ay hindi kasama sa mga bumubuo sa kanilang absolute community. Samakatwid, ang minanang lupa ng inyong asawa at ang halagang kinikita nito ay pag-aari lamang niya. Ang nasabing kita ay hindi ninyo maaaring makuha o magastos nang walang pahintulot.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments