Veteran swimmer Gawilan, handa na sa Tarlac ASEAN Para Games

Handang-handa ang beteranong Para swimmer ng bansa na si Ernie Gawilan, upang sumabak sa nalalapit na 10th ASEAN Para Games ngayong Marso 20 hanggang 27 na gaganapin sa Tarlac City.
Ang 28-anyos na si Gawilan ang kauna-unahang Para athlete ng bansa na nag-uwi ng gintong medalya buhat sa Asian Para Games at sumabak sa 2016 Summer Paralympics. Nagsimula na siyang mag-ensayo mismo sa Aquatic Center sa New Clark City Capas, Tarlac, kung saan gagawin ang mismong kompetisyon ngayong Marso. Gayunman, wala umano siyang binago sa kanyang routine pagdating sa pag-eensayo.
“Ginagawa pa rin po namin ‘yung kung ano po ‘yung preparation po namin dati, kahit na less po ‘yung training namin sa swimming pool. But eventually po, doon na po kami mismo sa New Clark City Aquatic Center mag-eensayo,” pahayag ni Gawilan.
Malaki umano ang tsansa ng host na Pilipinas na makakuha ng maraming medalya para sa kampanyang ito sa Para Games, ngunit hindi naman umano niya masasabi kung ilan sa kabuuan ang kaya niyang masungkit. “Mahirap po kasi mag-predict eh. Pero malaki naman po ang chance,” ayon kay Gawilan na sasabak sa tatlong individual events at dalawang relay.
Ayon pa kay Gawilan, mahirap din ang magkumpiyansa gayung malalakas ang mga koponan ng bansang Singapore at Indonesia, lalo na sa kanyang category na lalahukan. Gayunman, naniniwala siya na ang suporta ng mga kababayan ang magsisilbing inspirasyon niya upang pagbutihin ang kanyang performance sa nasabing kompetisyon.
Nanawagan din siya na maiparating sa ibang mamamayan na may sports na nagsisilbing sandalan ang tulad niyang mga PWD o Persons With Disability.





Comments