top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Magkakalat ng nCoV pranks, parusahan

Ryan B. Sison
Feb 5, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Hindi nawawala sa ating mga Pinoy ang pagiging positibo sa anumang pagkakataon — bagyo, lindol at iba pang suliranin kung saan kayang-kaya nating pagaanin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagbibiro at tawanan.

Tulad ngayong may 2019 novel coronavirus (nCoV), marami pa rin tayong kababayan na nananatiling positibo na malalampasan natin ito. Gayundin, may ilang idinaraan sa biro ang pangamba, manatili lang na kalmado ang karamihan.

Pero paano kung ang kagustuhan nating magpasaya ay mauwi sa pagkadismaya?

Hindi ikinatuwa ng ilang netizens ang ginawa ng lalaking vlogger sa isang mall sa Legaspi City, Albay.

Ito ay dahil nagdulot ng takot ang ginawa nitong pagpapanggap na meron siyang nCoV.

Sa viral video, makikitang bigla siyang bumagsak na tila nahimatay saka dumapa nang ilang segundo at nangisay. Kasunod nito, bumangon siya at nag-unat ng buto.

Kuwento ng guwardiya, kinamayan pa siya ng lalaki saka sinabing may nCoV siya kaya nag-panic ang mga tao at nagpulasan para makalayo sa lugar.

Agad namang humingi ng tawad ang vlogger matapos makalaboso at ipinaliwanag na gusto lamang niyang makapagpasaya sa gitna ng kinatatakutang nCoV kaya naisipan niyang mang-prank.

Nakalulungkot lang dahil sa gitna ng pangamba sa naturang sakit ay hindi pa rin nawawala ang mga taong insensitive at gagawin ang lahat para lang makapagpapansin.

Wala namang masama kung gusto ninyong magpasaya, pero sana, isipin n’yo kung makapagpapagaan ba ito o makapagpapalala ng sitwasyon.

Sa ganitong sitwasyon, mas mabuting isaalang-alang natin ang ikabubuti ng nakararami.

Marami na ngang nangangamba, daragdagan pa natin ng kung anu-anong prank na hindi naman nakakatuwa o nakakatulong.

Isantabi muna natin ang pagiging pilyo at maging responsable sa ating mga gagawin.

Nariyan ang internet at social media para gamitin nang tama at hindi para pagmulan ng kung anu-anong bagay na nagbibigay lang ng takot sa publiko.

Magsilbing aral sana ito sa atin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay angkop ang ating mga biro o ginagawa sa sitwasyon.

Kailangan pa bang magkaroon ng batas kontra prank para seryosohin natin ito?

Panawagan natin sa kinauukulan, baka naman puwedeng may gawin kayo sa ganitong isyu. Kung kailangang parusahan ang mga pasaway, gawin na ito para mabawasan ang mga sakit sa ulo.

Hindi madali ang laban na kinahaharap nating lahat kaya sa halip na dumagdag sa problema, makiisa tayo sa solusyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page