Mga epal sa nCoV, shut up!

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Nakalulungkot ang kasalukuyang sitwasyon ng ating mga kababayan na kahit saan tayo tumingin ay naglipana ang mga nakasuot ng face mask dahil natatakot mahawahan ng deadly virus na kasalukuyang kumakalat sa buong mundo.
Nitong mga nakaraang linggo, napakaraming naglabasang balita tungkol sa pagpasok ng 2019 novel coronavirus - acute respiratory disease (nCoV) na nagmula sa Wuhan, China at lalo pang kumalat ang pangamba nang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na may nasawi na sa bansa dahil sa nCoV.
Kung makikinig tayo ng radyo o manonood ng T.V., ito ang laman ng mga balita. Napakaraming nagbibigay ng komento tungkol sa naturang sakit at dahil iba’t ibang personalidad ang nagbibigay ng komento, nadaragdagan ang takot at kalituhan ng ating mga kababayan kung ano at sino ang dapat sundin.
Sa katunayan, dahil sa dami ng nagpapaliwanag hinggil sa paggamit ng face mask, nagkaroon ng ilang araw na kalituhan tungkol dito — ano ang tamang gamitin, paano ito isinusuot at kailan ito dapat palitan?
Hindi pa kasali ang fake news na nagkalat din sa social media na nakadaragdag pa ng nerbiyos sa mga kababayan nating wala nang pagkakataong magberipika kung totoo o hindi.
Lumalabas na nakadaragdag sa kaguluhan ang pagkalat ng ‘infodemic’ o epidemya ng tsismis o maling impormasyon na mas mabilis pang kumalat kesa sa kinatatakutang sakit mula sa China.
Halimbawa, noong may natumbang Tsinito na kumalat agad sa social media na kinatakutang tulungan sa pag-aakalang Chinese na may nCoV, ‘yun pala ay lasing na Koreano lamang.
Dahil sa mga ganitong pangyayari, imbes na mapakalma ang publiko ay lalo pang nagpa-panic o nauuwi sa pagkapraning ang mga kababayan nating takot mahawahan.
Mabuti kung magandang balita ang kumakalat tulad ng sinasabi ng Philippine Genom Center na nakabase sa University of the Philippines na kaya na nitong kumpirmahin ang pagiging positibo ng pasyente na may nCoV.
Lalo na at may datos na umano tungkol sa nCov kaya mas mapabibilis na ang kumpirmasyon na dati ay dinadala pa ang nakuhang sample mula sa pinaghihinalaang biktima ng nCoV sa Research Institute for Tropical Medicine.
Kung positibo sa nCoV ang pasyente ay doon lamang ibibiyahe ang sample sa Australia para sa kumpirmasyon at ilang araw pa bago ibalik sa bansa para malaman ang resulta.
Kaya habang inaayos ang sistema tungkol dito ay makabubuting tigilan na ang pagbibigay ng mga komento dahil hindi nakatutulong ang kadadaldal ng marami na nagdudulot lalo ng kalituhan.
Sana, sa mga ganitong pagkakataon ay isa na lamang ang magsasalita at ito ay ang DOH upang pare-pareho ang pahayag at maiwasan ang mga kalituhan dahil sa iba’t ibang estilo ng mga kinakapanayam.
Dapat medyo mabilis ang kilos ng DOH sa pagbibigay ng opisyal na pahayag para hindi sila nauunahan ng mga epal sa mga ganitong uri ng sitwasyon.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments