top of page

Iba’t ibang dahilan ng pagkabaog ng lalaki

  • Shane Ludovice
  • Feb 5, 2020
  • 3 min read

Dear Doc. Shane, Maaga akong nabiyuda sa aking unang asawa at may isa kaming anak. Muli akong nakapag-asawa at apat na taon na kaming nagsasama pero hindi pa rin ako nabubuntis. Gustung-gusto ko pang magkaanak pero sa palagay ko ay baog ang mister ko. Gayunman, hindi pa siya nagpapatingin sa doktor. Ano ba ang dahilan ng pagkabaog ng lalaki? - Anabelle

Sagot Ang pagkabaog ng lalaki ay ang kawalan ng kakayahan nitong makabuntis at karaniwang ito ay dahil sa mga problema sa semilya.

Anu-ano ang mga sanhi ng pagkabaog ng lalaki?

1. Pre-testicular - problema sa katawan na nakaaapekto sa paggawa ng semilya at pagpapagana ng mga sexual organ ng kalalakihan o male reproductive tract.

Sanhi ng pre-testicular:

a) Mababang level ng testosterone (hormone ng pagkalalaki) sa katawan.

b) Paggamit ng bawal na gamot, pag-inom ng alak at paninigarilyo.

c) Pag-inom ng iba’t ibang gamot tulad ng steroids, gamot laban sa kanser (chemotherapy) at iba pa.

d) Genetic abnormalities o problema sa “genes”.

2. Testicular - problema sa mga itlog o testes na siyang gumagawa ng semilya o semen.

Sanhi ng testicular:

a) Edad. Kung napakabata o napakatanda ng lalaki, maaaring hindi pa o hindi na gumagana ang mga testes o mga itlog.

b) Chromosomal problems. Ang chromosomes ay pinagsama-samang genes. Ang bawat tao ay may 46 na chromosomes o 23 pares.

Kung magkaroon ng problema sa pagkakapares o may mawala o madagdag na iba pang chromosome, maaaring maapektuhan ang abilidad na gumawa ng semilya at makabuntis.

c) Bukol sa itlog (testes) o sa bayag (scrotum). Ito ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng testes na gumawa ng semilya o tamod.

d) Hindi pagbaba ng itlog. Habang ang lalaking sanggol ay nasa sinapupunan pa lamang, ang mga itlog ay nasa mga bituka pa. Ito ay nalalaglag patungo sa bayag kung saan ang temperatura ay mas malamig at napoproteksiyunan ito ng nakapalibot na tubig.

Kapag hindi bumaba ang mga itlog (cryptorchidism), maaapektuhan nito ang produksiyon ng semilya.

e) Hydrocoele. Ito ay kondisyon kung saan konektado ang bituka sa bayag, maaaring pumasok ang mga tubig na nasa bituka patungo sa bayag kung saan makaaapekto ito sa produksiyon ng semilya.

f) Varicocoele. Ito ay kondisyon kung saan malago ang mga ugat ng dugo na nasa loob ng bayag. Ang mga ugat ay maaaring magkaroon ng epekto tulad ng hydrocoele.

3. Post-testicular - problema sa daluyan ng semilya mula sa mga itlog hanggang sa pagpapalabas nito patungo sa puwerta ng babae.

Sanhi ng post-testicular: a) Pagbabara sa anumang bahagi ng daluyan mula sa mga itlog (testes) patungo sa butas ng ari ng lalaki. Ito ay maaaring dahil sa tumor, bukol, impeksiyon at iba pa.

b) Retrograde ejaculation. Ito ay kondisyon kung saan baligtad ang pagdaloy ng semilya — imbes na palabas ito sa butas ng ari ng lalaki, sa pantog ito pumapasok.

c) Hypospadias. Ang butas ng ari ay nasa ibaba imbes na nasa harap kaya hindi ito nakatutok nang diretso sa puwerta ng babae at hindi nakararating ang semilya.

d) Impotence. Ang kawalan ng kakayahang patigasin o panatilihing matigas ang ari ng lalaki. At dahil hindi tinitigasan, walang paraan para makapagpalabas ng semilya patungo sa puwerta ng babae.

Gayunman, hindi madaling malaman kung alin sa mga ito ang sanhi ng pagkabaog kaya ang pinakamabuting gawin ninyo ay magpakonsulta agad sa urologist o espesyalista upang mabigyan ng karagdagang payo tungkol sa problemang ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page