Thai, tiklo sa 4 kilo ng shabu sa NAIA
- June Simon
- Feb 4, 2020
- 1 min read

Isang babaeng Thai national ang nadakma ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa dala nitong 4.125 kilong shabu.
Ayon kay Port of NAIA Collector Mimel Talusan, kinilala ang suspek na si Pakjira Janwong, na dumating lulan ng AirAsia Flight Z2-288, alas-3:00 ng madaling-araw sa NAIA.
Gayunman, bago ito nakatuntong ng Maynila, may travel record ang Thai na bumisita na ito sa Lao, Myanmar at Malaysia.
Si Janwong ay pinigilan ng isang Customs examiner sa arrival area at inutusang buksan ang kanyang bagahe.
Sinabi ni Talusan na idinaan ang bagahe ng pasahero sa x-ray scanning kung saan lumitaw ang imahe ng suspected dangerous drugs.
Makaraang isailalim sa field test ang white crystalline substance, nagpositibo ito sa shabu. Si Janwong at ang droga ay inilipat na sa pangangalaga ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).





Comments