Suporta sa mga atleta, hindi dapat magtapos sa SEA Games
- Kuya Win Gatchalian
- Feb 4, 2020
- 2 min read

Mahigit isang buwan na ang nakararaan nang matagumpay na nagwakas ang makasaysayang 30th Southeast Asian (SEA) Games kung saan ang ating bansa ang host ng buong okasyon.
Nakita natin sa nakaraang SEA Games kung paano nagkaisa ang ating mga kababayan sa pagsuporta sa mga manlalaro ng Pilipinas na nagsikap para magbigay ng karangalan sa buong bansa.
Ngunit, hindi nangangahulugang magtatapos na rin ang suporta sa mga atletang Pinoy.
Dapat mas lalo pang magkaisa ang pamahalaan, ang sektor ng edukasyon at ang pribadong sektor upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga atleta, kabilang na ang sapat na imprastruktura at tulong-pampinansiyal.
Mahalagang magkaroon tayo ng nagkakaisang layunin na hubugin ang mga susunod pang henerasyon ng mga atletang magbibigay ng karangalan sa bayan.
Marami tayong mga mahuhusay na manlalaro at mayroon na tayong nakahandang mga pasilidad na magbibigay sa kanila ng world-class training.
Bukod dito, mahalaga ang magiging papel ng Philippine High School for Sports (PHSS) upang itaguyod ang sports sa ating bansa. Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 732 o ang Philippine High School for Sports Act, isinusulong natin ang pagpapatayo ng naturang paaralan sa New Clark City sa Tarlac upang iangat ang kakayahan ng mga susunod na henerasyon ng mga atleta.
Inaasahang masisimulan ang pagpapatayo nito ngayong taon.
Kailangan din ng tulong ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang pang-sports, pagpapanatili ng mga pasilidad at paghahanap ng karagdagang bilang ng kabataan na maaaring maging propesyunal na mga manlalaro.
Higit sa lahat, kailangan natin ng pakikipagtulungan ng pamahalaan sa corporate sponsors at donors mula sa ibang bansa para lalong mapalakas ang suportang ibinibigay natin sa ating mga atleta.
Sa pamamagitan ng matibay na batas, tiyak na maraming kabataan ang maeengganyong tumutok sa paglalaro ng sports.
At ang pagbibigay ng buong suporta sa kabataang atleta ay dapat simulan na natin sa pinakamaagang pagkakataon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments