Malaysia, alanganin sa Asean Para Games dahil sa nCoV

Ikinabahala ng pamahalaan ng Malaysia ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas kaya tuloy ang diskusyon ng mga otoridad doon kung magpapadala pa sila ng kanilang delegasyon na lalahok sa 2020 Asean Para Games sa Pilipinas.
Ito ay dahil na rin sa pagkamatay sa Maynila ng isang 44-anyos na Chinese national na dinapuan ng bagong coronavirus, na kauna-unahang kaso sa labas ng China. Magkakaroon ng pulong ang Health Ministry para mapag-usapan ang isyu, ayon kay Youth and Sports Minister Syed Saddiq Syed Abdul Rahman.
Sinabi ng mga opisyal sa Malaysia na inaalala lang nila ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga atleta. Ang naturang pulong ay susundan din ng federation meeting nina Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo sa darating na Pebrero 8 hanggang 10 kasama ang mga opisyal mula sa 11 kalahok na bansa. Iniurong sa Marso 20-28 ang Asean Para Games mula sa orihinal na petsa noong Enero dahil sa umano’y problemang pinansiyal.
Samantala, dalawa sa gold medalist ng 30th SEAG ang magiging panauhing pandangal upang ilahad ang mga nalalaman at lihim ng kanilang kagalingan sa 2020 National Sports Summit (NSS) na gaganapin simula Peb. 27-28 sa Philippine International Convention Center (PICC).
Ibubunyag nina jiujitsu specialist Meggie Ochoa at taekwondo champion Pauline Lopez ang mga itinatagong sikreto sa kanilang mga tagumpay sa kani-kanilang larangan sa mga dadalo sa naturang Sports Summit.
Ang 29-anyos na si Ochoa ay isang beteranong jujitsu athlete na nagwagi ng tatlong world championships at nagbulsa ng gold medal sa women’s under-45kgs division sa nakalipas na biennial meet.
Si Ochoa rin ang founder ng “Fight to Protect” na kampanya na isinusulong ang pagbabantay sa mga kabataang kababaihan ng sexual abuse at hinihikayat na maging aktibo na lang sa pampalakasan. Kabilang din si Ochoa sa “The 50 Greatest Filipino Athletes of All Time” kasama ang iba pang mahuhusay na atletang Filipino.
“It is a huge honor and privilege to be able to speak in such a momentous event. I do not feel worthy to speak in such an event, but given this one of a kind opportunity, I will make the most of it and do my best. Overall, I am just grateful,” pahayag ni Ochoa. “Most likely I will be speaking about my journey as an athlete. The greatest lesson that sport has taught me is to never forget the reason why you do and what you do, because it will push you through the hardest times,” dagdag nito.





Comments