DOH, wa’ dapat secret sa nCoV, madlang pipol, mas ligtas ‘pag may alam
- Pabs Hernandez III
- Feb 4, 2020
- 2 min read
DAPAT ISAPUBLIKO NG DOH ANG MGA LUGAR O OSPITAL NA KINAROROONAN NG 80 PASYENTENG HINIHINALANG MAY nCoV—Kamakailan ay ipinahayag ng Department of Health (DOH) na sa naunang 52 pasyenteng kanilang mino-monitor, dalawa ang kumpirmadong positibo sa 2019 novel coronavirus — isa ang namatay habang 10 ang na-discharged at 40 ang patuloy pa ring inoobserbahan.
Samantala, kahapon sa presscon ng DOH, inanunsiyo nitong umabot na sa 80 ang kanilang mino-monitor.
Nakupo, dapat isapubliko ng DOH ang eksaktong lugar o ospital na kinaroroonan ng mga pasyenteng ‘yan, gayundin kung tagasaan at anong lahi sila upang lalong makapag-ingat ang mamamayan dahil buhay na ng mga kababayan natin ang nakataya rito, period!
◘◘◘
KUNG ANG GOBYERNO, DEDMA LANG, MGA CHINESE NA NAMIMIGAY NG FACE MASK SA MGA PINOY, AYOS—Kasabay ng pagputok ng balita na napasok na ng nCoV virus ang Pilipinas, biglang tumaas ang demand nito sa publiko dahil ang paggamit o pagsuot ng face mask ang isa sa mga paraan para manatili tayong ligtas sa nakahahawa at deadly virus.
Kaugnay nito, sa kasagsagan na wala nang mabiling face mask sa merkado, nag-viral sa social media ang ilang Chinese na namimigay nito sa mga Pinoy sa pampublikong lugar.
Hay naku, mabuti pa ang mga Chinese na ito na sa kabila ng pambu-bully ng ilan sa kanila ay nagagawa pa ring magmalasakit at tumulong, pero ang administrasyong Duterte na dapat nakikita nating gumagawa nito ay ‘yun, dedma lang, buwisit!
◘◘◘
JUETENG AT STL-PARES, LAGANAP NA SA CALOOCAN, MALABON AT NAVOTAS—Kung patuloy na lumalaganap ang deadly nCoV sa China, may lumalaganap din ngayon sa Caloocan City, Malabon City at Navotas City.
Ooops! Hindi nCoV, kundi jueteng at STL-Pares ni “Jun Moriones” ang lumalaganap ngayon sa mga lugar nina Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan, Malabon City Mayor Antolin “Len” Oreta at Navotas City Mayor Toby Tiangco at imbes umaksiyon, “nganga” lang ang tatlong alkalde laban sa manraraket na ito, boom!





Comments