Sintomas at dapat gawin sa taong inaatake ng epilepsy
- Shane Ludovice
- Feb 3, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Madalas inaatake ng epilepsy ang bunso kong anak lalo na kapag mataas ang kanyang lagnat. Siya ay 6 years old na ngayon at may iniinom na siyang gamot para rito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito?
– Perry
Sagot Ang epilepsy o seizure disorder ay nagmumula sa problema sa utak kung saan nagkakaroon ng aberya sa neurons nito.

Ayon sa mga neurologists, ang seizures ay panginginig ng pasyente kung saan tumitirik ang mga mata nito at nawawalan ng kontrol sa kanyang katawan. Pero madalas, kusa itong nawawala o nagagamot sa tulong ng mga prescribed medicines. Gayundin, ang seizure disorder ay hindi sakit mismo kundi posibleng sintomas pa lang ng ibang sakit.
Isa sa mga sintomas ng seizures o kombulsiyon ay kapag tumitirik na ang mga mata ng pasyente na nasasabayan pa ng paninigas ng mga paa nito paakyat sa mga kamay at sa iba pang bahagi ng katawan.
Isa pang sintomas nito ay ang absence seizure o tila nakatingin lang sa kawalan at walang malay ang pasyente sa loob ng 30 segundo hanggang isang minuto. Sinasabing maaaring hindi lang segundo ang itinatagal ng seizures at posibleng makaranas ito ng status epilipticus o pagkokombulsiyon nang tuluy-tuloy habang 80% ng taong may brain tumor ay puwedeng mag-seizure.
Matatawag itong epilepsy kung higit dalawang beses nang nag-seizure ang pasyente.
Madalas, hindi masabi kung ano ang sanhi ng seizure. Tinatawag itong idiopathic pero ayon sa mga neurologists, kapag adult ang pasyente, kailangan din nating hanapin kung may ibang pinanggagalingan o dahilan ang kanyang kombulsiyon.
Marapat na malaman ito agad dahil maaaring sintomas ito ng stroke, tumor sa utak, electrolyte imbalance o maging trauma mula sa pagkabagok.
Samantala, pinabulaanan ang paniniwala na dahil sa mataas na lagnat kaya nagkaka-seizure ang pasyente. Gayundin, kapag may kinokombulsiyon, huwag itong gamitan ng kutsara o towel dahil posibleng makasama ito sa pasyente.
Sa halip, alalayan ang pasyente para hindi mabagok ang ulo nito sa oras na mawalan ng kontrol sa sarili saka itakbo agad sa ospital nang sa gayun maobserbahan agad ng mga eksperto.





Comments