Pilipinas, hindi na tuta ng Tate
Hindi ko akalaing makikita ko ito sa sinumang pangulo ng Pilipinas. Pero narito si Pangulong Rodrigo Duterte na matapang na kumikilos para maging malaya tayo mula sa Estados Unidos.
Sa totoo lang, hindi tayo makaandar nang husto sa pag-unlad dahil sa matinding impluwensiya sa ating polisiya, ekonomiya, kultura at iba pa ng ating dating “master”, ang Estados Unidos, na nagmando sa ating bansa mula nang “bilhin” tayo mula sa España noong 1898.
Nakadidismaya na kahit hindi na tayo kolonya ng U.S., marami pa rin sa mga elitista sa ating bansa ang maka-U.S..
Sa halip na isipin ang makabubuti sa ating bansa, inuuna pa ng mga ito na sundin ang kagustuhan ng mga Kano. At isa sa mga naturingang “Amboy” ay walang iba kundi si ex-P-Noy.
Sa ilalim ni ex-P-Noy ay nagkaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kung saan pinayagan ang U.S. na mag-stock ng mga kagamitan, materyales at tauhan sa loob mismo ng mga kampo ng Armed
Forces of the Philippines (AFP).
Hindi ba, parang U.S. bases na rin ‘yan? Mas mura lang dahil “iskuwater” lang ang US sa loob ng AFP at hindi nagbabayad ng upa.
Kaya naman, noong narinig natin na gusto nang ibasura ni Pangulong Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA) ay ikinatuwa natin ito.
Hindi tayo sang-ayon sa VFA tulad sa EDCA. Sa ilalim nito, ligtas ang mga sundalong Kano kapag nakasuhan ng kriminal.
Kung hindi man sila makalalaya agad-agad, binababaan ang kanilang sentensiya para makalabas agad sa bilangguan ang mga napang may kasalanan tulad ng murder o rape. Halimbawa nito ang mga kaso ng mga sundalong Kano na sina Daniel Smith at Joseph Pemberton.
Sana, pag-aralan din ng Malacañang ang posibleng pagbasura sa EDCA na parang binigyan na natin ng bases ang mga Kano sa Pilipinas.
Isa pa sa mga ginawa ng pangulo na nakabibilib ay nang ipag-utos nito sa mga miyembro ng gabinete na huwag munang magbiyahe papuntang U.S. bilang “boycott” sa pakikialam nito sa Pilipinas.
Kaugnay nito, tinanggihan din ng pangulo ang imbitasyon ni U.S. President Donald Trump para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-US special summit na gaganapin sa Las Vegas ngayong Marso.
Bagama’t, maganda ang relasyon ni Pangulong Duterte kay U.S. Pres. Trump, nagawa pa rin nitong tumanggi.
Pero kung ibang pangulo ito tulad ni ex-P-Noy, malamang, nagkakandarapa ito na sumama sa meeting para makapagmano sa mga Amerikano. Tsk!
Makasaysayan ang mga ginagawa ng pangulo pero ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng ating bansa.
Matatandaang, noong nagsimula sa kanyang termino ang pangulo, idineklara nito ang bagong polisiya ng Pilipinas na hindi na ito magiging sunud-sunuran sa kagustuhan ng U.S..
Ang ginawa ng pangulo laban sa mga Kano ay malaking bagay para malaman nilang hindi nila ‘tuta’ ang ating bansa. Dapat mauna ang interes ng Pilipinas bago ang mga Kano.
Tapos na ang panahon kung saan basta na lang nila tayo dinidiktahan at pinangungunahan ng ibang bansa.





Comments