PFL sanib-puwersa sa Qatar Air para sa 2020 Season League
- A. Servinio
- Feb 3, 2020
- 1 min read

Pormal na nilagdaan ang tatlong taong kasunduan sa pagitan ng Philippines Football League (PFL) at Qatar Airways kung saan magsisilbi silang title sponsor at airline partner. Sakop nito ang parating na 2020 PFL season at tatagal hanggang 2022.
Ang PFL ay kinatawanan ni Atty. Edwin Gastanes, ang Secretary General ng Philippine Football Federation (PFF) at Chief Executive Akbar Al Baker ang sa Qatar Airways. Ginanap ang payak na seremonya sa tanggapan ng airline sa Doha.
Malaki ang naitulong ng Qatar Airways sa nakaraang FIFA World Cup sa Russia noong 2018. Uulitin din nila ito sa parating na 2019 FIFA Club World Cup at 2022 FIFA World Cup na parehong gaganapin sa kanilang bansa.
Ang ika-apat na taon ng PFL ay nakatakdang simulan sa Marso. Ang Ceres Negros ang dobleng kampeon ng liga at ng Copa Paulino Alcantara noong 2019.
Samantala, pinapalakas ng Global FC ang kanilang koponan para sa 2020 at hamunin ang paghahari ng Ceres.
Hinayag ng koponan ang pagpirma ng mga bagong dayuhang manlalaro na sina midfielder Jose Villarreal ng Estados Unidos at defender Suleeman Naeem at forward John Cofie ng Inglatera.





Comments