top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Pagiging dugyot, nakamamatay na ngayon

Bong Revilla
Feb 3, 2020
3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Kamakailan, halos mataranta ang mga pamunuan ng maraming bayan sa ating bansa dahil sa kabi-kabilang deklarasyon ng dengue outbreak na kumitil sa buhay ng ilan sa ating mga kababayan.

Pero dahil sa pagsisikap ng ating pamahalaan ay patuloy na ang pagbaba ng naitatalang kaso ng dengue sa bansa, ayon mismo sa ulat ng Department of Health (DOH).

Base sa ulat ng DOH, tuluy-tuloy ang pagbaba ng kaso sa lahat ng rehiyon sa nakalipas na tatlong buwan kung saan mula noong Disyembre 22 hanggang 31, 2019 ay mayroon lamang 815 dengue cases na 87 porsiyentong mababa kumpara sa 6,125 kasong naitala sa parehong panahon noong 2018.

Matatandaang, noong Agosto 6, 2019 ay nagdeklara ng national dengue epidemic ang DOH nang umabot na sa 146,062 ang kasong naitala mula Enero hanggang Hulyo noong nakaraang taon.

At ang naging susi lamang para bumaba ang kaso ng dengue ay dahil sa sumunod ang publiko na hanapin at sirain ang mga lugar kung saan nangingitlog ang mga lamok.

Ipinairal din ang self-protection measures at pagkonsulta nang maaga sa doktor na dahilan para maagapan agad ang dinapuan ng dengue sa unang sintomas pa lamang ng naturang sakit.

Nakatulong din ang fogging o spraying sa mga suluk-sulok ng mga barangay at pagiging malinis ng ating mga kababayan na natakot na magkasakit matapos ideklara ng DOH ang epidemya.

Pero ito ang kahindik-hindik na pangyayari, umabot sa 2,000 truck load ng basura ang nahakot mula sa Manila Bay mula nang ito ay linisin bilang bahagi ng rehabilitasyon ng naturang baybayin.

Ang 11,000 cubic meters ng basura ay katumbas ng higit sa 1,880 trucks na nakolekta sa Manila Baywalk at Baseco area habang nasa 6,000 cubic meters naman o katumbas ng mahigit sa 1,000 trucks ng burak din ang nakuha sa drainage sa Metro Manila.

Nagkaroon ng Manila Bay Rehabilitation Program sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kautusan ng Korte Suprema sa iba’t ibang ahensiya na linisin ito.

Pero nakita naman natin sa basurang nakuha sa Manila Bay kung gaano kairesponsable ang ilan sa ating mga kababayan na walang habas sa pagtatapon ng basura at walang pakialam kung makapeperhuwisyo na.

Ngayon, obligado na naman ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na ayon sa ilalim ng writ of continuing mandamus ay kailangang gawin ang paglilinis sa naturang lugar.

Kung hindi naman kikilos ang gobyerno, tiyak na kabi-kabilang banat ang aabutin nito sa social media na sa totoo lang, ang malaking problema natin sa kasalukuyan ay ang kawalang disiplina ng marami sa atin.

Samantala, ngayon ay heto at nahaharap na naman tayo sa panibagong pagsubok kung saan ang kinatatakutang 2019 novel coronavirus (nCoV) ay nasa bansa na. Ayon pa sa ulat, isang 44-anyos na lalaking Chinese na galing Wuhan, China ang kauna-unahang nasawi sa nasabing sakit sa Pilipinas at unang kaso naman na namatay dahil sa nCoV sa labas ng China. Alam ng lahat na ang maruming kapaligiran ang isa sa mga dahilan kung bakit kumalat ang nagmula ang naturang virus.

Kaya nananawagan tayo sa ating mga kababayan na huwag nang hintayin na magkaroon ng epidemya dahil lamang sa ugaling makasarili at wala tayong pakialam kung makaapekto tayo sa iba dahil sa iresponsable nating pagtatapon ng basura.

Kung hindi n’yo kayang maglinis ng kapaligiran ay huwag na lang sana kayong magkalat.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page